Kinilala ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang mga international acting award na napanalunan ni Joaquin Domagoso.
Kabilang ang Kapuso young actor sa mga pinarangalan sa 15th Gawad Ani ng Dangal na ginanap sa Malacañang Palace ngayong Miyerkules ng hapon, February 22, 2023.
Sa bisa ng Presidential Proclamation No. 683, ang Pebrero ang idineklarang National Arts Month. Para sa 2023, "Ani ng Sining, Bunga ng Galing" ang tema ng pagdiriwang.
Ang NCCA ang nagtatag at nagtataguyod ng Gawad ng Ani ng Dangal na nagbibigay ng pagkilala sa mga Pilipinong naghatid ng karangalan sa ating bansa.
Lima ang international best actor awards na napanalunan ni Joaquin para sa That Boy in the Dark, pero ang parangal na ipinagkaloob sa kanya sa 16th Toronto Film and Script Awards noong November 2022 ang pinili ng NCCA.
Read: Joaquin Domagoso wins best actor at 16th Toronto Film and Script Awards
“One of the highlights of the festival is the 15th Gawad ng Ani ng Dangal. The ceremony is where the NCCA will recognize the sterling achievements of Filipino artists who have brought honor to the country by winning the highest achievements in international competitions and events in their respective fields.
“In line with this, we are pleased to inform you that you have been selected to receive this prestigious recognition for your achievement,” nakasaad sa sulat na ipinadala ng NCAA kay Joaquin.
Maligayang-maligaya si Joaquin dahil kinilala sa sariling bansa ang tagumpay niya sa iba’t ibang international film festival.
Ang manager ni Joaquin na si Edwin "Daddie Wowie" Roxas ang producer ng That Boy in the Dark. Tulad ng 21-year-old actor, masayang-masaya siya sa parangal na ibinigay ng NCAA sa alaga niya.
“Teary-eyed ako,” sabi ni Wowie nang makausap siya ng Cabinet Files ngayong Miyerkoles nang hapon.
“Masasabi ko sa sarili ko na may resibo ang pagiging manager ko dahil sa award na ibinigay kay Joaquin ng NCCA at sa mga international acting award na napanalunan niya.
“Pareho sila ni Glydel Mercado na alaga ko rin na grand slam best supporting actress noong 2000 dahil nanalo siya sa Star Awards for Movies, Gawad Urian, FAP Awards, at FAMAS dahil sa acting niya sa Sidhi.”