Kasali sa listahan ng Top 10 Programs ng NUTAM Ratings ng Nielsen Audience Measurement ang Bad Romeo, ang Thai romantic drama series na pinagbibidahan ng popular Thai actor na si Mario Maurer na isinalin sa wikang Pilipino at napapanood sa GMA-7 simula pa noong January 16, 2022.
Ang pagsubaybay ng Filipino televiewers sa Bad Romeo ang patunay na malakas pa rin ang hatak ni Mario sa kanyang Filipino fans.

Lalong minahal ng mga Pinoy ang 34-year-old Thai actor nang malaman nilang half-Filipino ang Thai girlfriend niya, ang 31-year-old actress na si Janjira “Junji” Janpitakchai.
Walong taon na ang relasyon nina Mario at Junji na nag-umpisa noong 2015. Pero low-profie lamang sila dahil hindi nila inilalabas sa kanilang mga social media account ang mga larawan na magkasama sila.
Ang pangalan ng Pinay na nanay ni Junji ay Editha Davantes, na nag-aral noon sa Philippine Women’s University. May tatlo siyang anak na babae sa kanyang Thai husband.
"Tatay" ang tawag ni Junji sa kanyang lolo na ama ng nanay niya.

Mario Maurer and girlfriend Janjira “Junji” Janpitakchai (extreme left) with her Filipino mother Editha Davantes (second from right) and her sisters.
Nakakaintindi at marunong magsalita ng Tagalog si Junji. Makikita ito sa mga komento niya sa mga social media post ng kanyang kapatid na naririto sa Pilipinas dahil kasalukuyang nag-aaral sa isang malaking unibersidad sa Maynila.
Hindi lamang estudyante ang kapatid ni Junji dahil member ito ng isang dance group ng unibersidad na kanyang pinapasukan at nagtatrabaho bilang part-time model sa bansa natin.
Nakuha ni Mario ang atensiyon at paghanga ng kanyang Pinoy fans nang paulit-ulit na ipinalabas ng ABS-CBN noong 2011 at 2012 ang kanyang sleeper hit movie na Crazy Little Thing Called Love.
Ang popularidad ni Mario sa mga Pinoy ang naging daan para kunin siya ng Star Cinema bilang leading man ni Erich Gonzales sa Suddenly It’s Magic noong 2012.
Malapit sa puso ni Mario ang mga Pilipino kaya hindi nakapagtataka na may dugong Pilipino ang babaeng walong taon na niyang karelasyon.