Kapani-paniwala man o hindi, nagpapasalamat si Joseph Marco sa kanyang mga magulang dahil pinayagan siyang mag-endorse ng isang brand ng underwear sa edad na 34.
Gumawa ng ingay ang underwear endorsement ni Joseph dahil sa kanyang mga sexy pictorial kaya may mga naniniwalang "rebranding" ang rason kaya tinanggap niya ang proyekto.
“I am really glad na pinayagan ako ng parents ko to do an underwear endorsement kasi first time ko yon. Mabuti nga, pumayag sila,” seryosong pahayag ni Joseph sa Zoom media conference ng Kunwari Mahal Kita na naganap ngayong Miyerkules ng hapon, March 8, 2023.
“When it comes to rebranding, I think it’s very important to everybody. Hindi lang sa mga artista, even to musicians, other artists and brands itself, kailangan talaga ng rebranding.
“Wala naman kaming pinlano, it just happened.”
Aminado si Joseph na nakaranas siya ng pagkabalisa nang i-post nito sa kanyang social media platforms ang sexy pictorial niya.
Lahad niya, “To be honest, I was so stressed before I posted that. I was very anxious.
"Kasi I was in New Zealand at that time and I had to post it because it’s gonna be the launching of the new endorser.
“I was just happy na okay naman yung naging result.”
Umaasa si Joseph na makatutulong ang ingay na ginawa ng kanyang sexy pictorial para panoorin ng mga tao sa mga sinehan ang Kunwari Mahal Kita, na pinagbibidahan nila ni Ryza Cenon, simula sa March 15.
Pero hindi umano ito nangangahulugang handa na siyang tumanggap ng mga daring role sa pelikula.
“Sana panoorin nila. Sana nakatulong para mas maging successful yung Kunwari Mahal Kita.
“[But] It doesn’t really mean just because I did an underwear shoot, I’m gonna do daring roles.
"But as long as I like the role, I like the project, then kung ano yung nire-require sa akin, I am willing to do it."