Popular search sa kasalukuyan sa Facebook ang pangalan ni James Licauco dahil napukaw niya ang atensiyon at interes ng mga tagahanga ng kanyang nakatatandang kapatid na si David Licauco.
Si James ang 20-year-old setter ng volleyball varsity team ng Ateneo de Manila University.
Marami ang nagsasabing "carbon copy" siya ni David. Lalong naging kamukha ni David si James nang pumayat o nabawasan siya ng timbang at mapagkakamalan silang kambal.

Marami ang nagtatanong kung interesado ang nakababatang Licauco na pasukin din ang showbiz.
Kung mahiyain si David sa tunay na buhay, kabaligtaran niya si James na pang-showbiz dahil aktibo ito sa TikTok, may mahigit sa kalahating milyong followers at 10.9 million likes ang mga video.
"Pambansang Ginoo" ang bansag kay David dahil sa karakter ni Fidel na ginampanan niya sa Maria Clara at Ibarra.
"Pambansang Bayaw" naman ang tawag kay James ng fans na giliw na giliw sa kanya.
Biro ng fans, mahaba ang pila kay Fidel kaya si James na lang muna ang pag-aaksayahan nila ng panahon.
Hindi maitatangging nag-rub off o humawa kay James ang popularidad ni David.
Matibay na ebidensiya ang 169,000 likes at 2,600 comments sa mga larawan niya na inilabas ng Project Volleyball sa Facebook page nito.
Sa panayam ng Kapuso Showbiz News, ikinuwento ni David na naiiyak siya sa tuwa nang makita niyang nakasuot ng ADMU volleyball uniform si James at ang kanilang kapatid na babae na si Jean.
Pahayag ni David, “To be honest, the moment I saw my brother and my sister in that Ateneo uniforms, I went out ‘coz naiiyak ako.
“I got really emotional kasi… I just have this emotional side towards my siblings and nakakatuwa siyempre, nakita ko yung kapatid like having fun, also my sister having fun playing volleyball.”