Nagmistulang Araw ng Mga Ina ang 95th Academy Awards na ginanap sa Dolby Theatre, Hollywood California, nitong March 12, 2023 (March 13 sa Pilipinas).
Nagbigay-pugay at inialay ng ilang winners sa kanilang mga ina ang mga parangal na tinanggap nila.
Ang Best Actress winner na si Michelle Yeoh, Best Supporting Actress awardee na si Jamie Lee Curtis, at Best Supporting Actor recipient na si Ke Huy Quan ang ilan sa mga nag-alay sa kanilang ina ng mga tagumpay nila.
Nagwagi ang tatlo para sa mahusay nilang pagganap sa Best Picture winner na Everything Everywhere All At Once.
Mensahe ni Michelle: “To my mom, all the moms in the world because they are really the superheroes and without them, none of us will be here tonight.
“She’s 84 and I’m taking this home to her. She’s watching right now in Malaysia KL with my family and friends. I love you guys, I’m bringing this home to you.”
Gumawa ng kasaysayan si Michelle dahil siya ang kauna-unahang Asian na nanalong best actress sa Oscar Awards.

Michelle Yeoh
Gaya ng nanay ni Michelle, 84 years old na rin ang nanay ni Ke Huy Quan, na iyak nang iyak dahil sa parangal na ipinagkaloob sa kanya.
“My mom is 84 years old and she’s at home watching. Mom, I just won an Oscar!” umiiyak na pahayag ni Ke Huy Quan, na tumanggap ng masigabong palakpakan mula sa lahat ng mga bisita sa Dolby Theatre.
Ke Huy Quan
“And my mother and my father who were both nominated for Oscars in different categories, I just won an Oscar!” lumuluha ring talumpati ni Jamie Lee Curtis.
Ang kanyang ina na si Janet Leigh ay nominadong best supporting actress sa Oscars para sa pelikulang Psycho noong 1961.
Ang ama niyang si Tony Curtis ay best actor nominee noong 1959 para sa The Defiant Ones.

Jamie Lee Curtis
Hindi pinalad magkaroon ng nominasyon sa 95th Academy Awards ang Filipino actress na si Dolly de Leon pero dumalo siya sa gabi ng parangal bilang suporta kay Ruben Östlund, ang direktor ng Triangle of Sadness na nominado sa best picture, best director, at best screenplay categories.
Sa interbyu ng Vanity Fair na lumabas ilang oras bago ginanap ang Oscar Awards, sinabi ni Dolly na si Jamie Lee Curtis ang pinaniniwalaan niyang mananalong best actress, at hindi nagkamali ang kanyang kutob.
Power suit mula sa Philosophy di Lorenzo Serafini, gloves mula sa Vex Clothing, at sapatos ni Manolo Blhaniks ang mga kasuotan ni Dolly sa Oscar 2023.
Tulad ng mga nagwagi, nagbigay-pugay si Dolly sa nanay niya sa pamamagitan ng pagsusuot ng singsing ng kanyang ina na namayapa noong 2022.
Hindi maipagkakailang maligayang-maligaya si Dolly sa unang pagkakataong pagdalo nito sa Oscar Awards dahil ibinahagi niya sa kanyang Instagram stories ang mga “snack” ng mga bisita sa loob ng Dolby Theatre na may caption na “May pa i-snacks si mayor dito kina kuya oscar.”
