Makalipas ang siyam na taon at tatlong buwan, nagretiro sa serbisyo si Philippine National (PNP) Police Staff Sergeant Don McGyver Cochico dahil sa kagustuhan niyang magkaroon ng sapat na panahon para sa sarili at sa kanyang pamilya.
Noong aktibo pa siya sa serbisyo, sa Scene of the Crime Operation (SOCO) ng PNP National Headquarters sa Camp Crame ang assignment ni Don, pero naranasan din niyang madestino ng isang taon sa Butuan City.
Read: What if you see these hot cops at checkpoints?
Matagal na pinag-isipan ni Don ang pagbibitiw nito sa tungkulin pero mas nangibabaw ang kagustuhan niyang magkaroon ng pagbabago sa takbo ng kanyang buhay.
“I want to have more time for my family, for myself, better environment, better pay and for all over improvement," pahayag ni Don sa Cabinet Files tungkol sa kanyang desisyong talikuran ang pagiging pulis.
"No thanks!" ang natawang sagot ni Don nang itanong namin ang posibilidad na pagbabalik niya sa PNP kung sakaling mabigyan siya ng pangalawang pagkakataon.
Pero inamin ni Don na ang mga pag-eensayo at panunumpa noon bilang pulis ang ilan sa mga karanasan na hindi niya makalilimutan.
Pulis na si Don nang maging kinatawan siya ng Pilipinas sa 17th Manhunt International na ginanap noong October 29, 2016 sa Shenzhen, China.
Kinikilala si Don bilang isa sa mga top male model ng bansa at kasali siya sa listahan ng mga pulis na binansagang "Gwapulis."
Pero ayon kay Don, wala itong naitulong sa kanya bilang alagad ng batas.
“Being a police officer, wala siyang naitulong. But when it comes sa personality, huge help siya. I’ve grown a lot pati yung socialization skills ko,” sabi ni Don.
Nakatanggap noon si Don ng mga alok na pasukin ang showbiz pero tinanggihan niya.
“Naisip ko na hindi siya sustainable and not for me, but nag-yes ako sa judging stints, modelling, and guestings. Lumabas ako noon sa Eat Bulaga!, Unang Hirit, at Happinas Happy Hour.”
Tatlong taon na ang nakararaan mula nang umalis sa PNP si Don, at wala itong nararamdamang pagsisisi dahil nagtagumpay siya sa kanyang nilipatang trabaho.
Sa kasalukuyan, financial advisor at assistant unit manager sa Pru Life UK si Don.
Bukod sa mga parangal na natatanggap bilang achiever sa kompanya na kanyang pinaglilingkuran, mas malaki ang kinikita ni Don, nakakapunta sa iba’t ibang mga bansa, nagagawa niya ang lahat ng gusto, at higit sa lahat, may panahon siya para sa kanyang asawa na si Charmaigne at sa kanilang nag-iisang anak na babae na si Arwen.