Nabigo ang mga manonood na nag-abang sa guesting ni Andrei Sison sa TikToClock kahapon, April 17, 2023, dahil hindi napanood ang kanyang mga eksena sa morning variety show ng GMA-7.
Si Andrei ang 17-year-old aspiring actor-singer na sumakabilang-buhay dahil sa isang vehicular accident noong March 24, 2023.
Nangyari ang trahedya ilang oras matapos ang guesting at taping niya para sa TikToClock noong March 23, 2023.
Read: Sparkle artist Andrei Sison, 17, dies in car accident
Si Andrei ay miyembro ng Sparkle Teens, ang mga baguhan at kabataang artista ng Sparkle GMA Artist Center.
Napagdesisyunan ng production staff na i-retake o muling kunan ang game segment na sinalihan ni Andrei, kasama ang ibang mga miyembro ng Sparkle Teens, noong Miyerkules, April 12.
Sa taping ng TiktoClock noong March 23, ang grupo ni Andrei ang nanalo sa game segment na kanilang nilahukan.
Pero imbes na gamitin ang pre-taped episode, nagkaroon na lamang ng retake na napanood kahapon, April 17, at nakakuha ng mataas na rating.
Kasama sa naganap na aksidente ang Sparkle Teens member na si Josh Ford, na siya lamang ang nakaligtas sa apat na pasahero ng BMW car na sumalpok sa pader at kumitil sa buhay ng kanyang mga kaibigan.
Nag-taping si Josh para sa bagong episode ng Sparkle Teens guesting sa TiktoClock, pero napansing malungkot siya, isang palatandaang dinaramdam pa rin niya ang pagkawala ni Andrei at ng ibang mga pasahero ng sasakyan.
Pormal na inilunsad at ipinakilala ang Sparkle Teens sa All-Out Sundays, ang Sunday musical-variety show ng Kapuso Network, noong Linggo, April 16.
Pre-taped ang All-Out Sundays (AOS) episode noong April 16. Pero imbes na i-edit, isinama ng production staff ang song number ni Andrei, na guwapung-guwapo ang rehistro sa screen.
Naghatid ito ng kalungkutan sa ilang mga nakapanood dahil ipinamalas ng apo ng seasoned ballader na si Marco Sison na malaki ang kanyang potensiyal na sumikat bilang singer-actor, pero maaga nga siya na binawian ng buhay.
Dahil hindi inalis ang partisipasyon ni Andrei sa paglulunsad sa Sparkle Teens sa AOS noong Linggo, inialay sa kanya ang programa.
“We Lovingly Dedicate This To The Memory of Andrei Sison” ang nabasa sa television screen bago isa-isang ipinakilala sa AOS ang mga miyembro ng Sparkle Teens.
