“Bumawi" ang ABS-CBN News kay Bea Alonzo sa pamamagitan ng showbiz news report sa TV Patrol noong Miyerkules na gabi, April 19, 2023, tungkol sa partisipasyon ng former Kapamilya actress sa Contra Mundum, ang all-star concert ng Ang Larawan.
Read: Bea Alonzo, hindi binanggit ang pangalan sa report ng TV Patrol tungkol sa 'Ang Larawan' concert
Sa ulat ng TV Patrol noong April 19, ipinakita na ang solo interview kay Bea na excited sa kanyang unang pagkakataong paglabas sa isang musical stageplay.
“So it’s been my dream to try theater pero never akong nabigyan ng chance. So, nung nag-land ito sa lap ko, parang I couldn’t say no.
"Although hanggang ngayon, sobrang intimated ako sa kanilang lahat,” pahayag ni Bea.
Gaganap ang aktres bilang Elsa Montes sa Contra Mundum, na libreng itatanghal sa Metropolitan Theater sa May 6.
Pinaniniwalaang bumawi ang ABS-CBN News kay Bea dahil sa mga tagasuporta ng aktres na hayagang nagreklamo nang hindi banggitin ang pangalan ng aktres sa report ng TV Patrol tungkol sa Contra Mundum noong April 18.
Maliban sa pangalan ni Bea, isa-isang binanggit ang pangalan ng lahat ng mga kasama sa concert: sina Celeste Legaspi, Agor Isidro, Karylle, Aicelle Santos, Bituin Escalante, Rachel Alejandro, Hajji Alejandro, Nonie Buencamino, Mitch Valdes, Ricky Davao, Kakai Bautista, Markki Stroem, Cathy Teodoro, at Jericho Rosales.
Ang mga hindi sinabing pangalan ay binanggit lamang bilang "at iba pa."
Diumano, hindi kinonsulta ng isang segment producer ang mga nakatataas at siya lamang ang nagdesisyon na huwag isama sa report ang pangalan ni Bea sa April 19 episode ng TV Patrol.
Naghinala ang mga tagahanga ni Bea at ng mga nakapanood ng ulat na sinadyang huwag banggitin ang kanyang pangalan at isinama na lamang siya sa “at iba pa” — sa kabila ng katotohanang isa siya sa may pinakamalaking pangalan sa cast — dahil sa pag-alis niya sa ABS-CBN at paglipat sa GMA-7 noong July 2021.