Sinusundan ni Robert Douglas Walcher IV ang yapak sa mundo ng pageantry ng kanyang ina na si Patricia Javier.
Siya ang kinatawan ng Pilipinas sa Mister Teen International 2023 na posibleng idaos sa Thailand o sa Pilipinas sa June 2023.
Si Atty. Manuel Deldio, national director at president ng Mister International Philippines Organization, ang pumili kay Robert bilang Mister Teen International representative ng Pilipinas.
Proud mother si Patricia sa kanyang 16-year-old commercial/ramp model son na medyo nagdalawang-isip na tanggapin ang imbitasyong maging representative ng ating bansa sa Mister Teen International.
Si Patricia ang nagpaliwanag kay Robert tungkol sa mga layunin ng pagsali nito sa pageant para sa mga kabataan.
Tulad ng kanyang ina na si Patricia at ama, ang American chiropractor na si Dr. Rob Walcher III, ang pangangalaga sa mental health, pagpapahalaga sa edukasyon, at pagtulong sa kapwa, lalo na sa mga nangangailangan, ang mga isusulong na adbokasiya ni Robert sa paglahok nito sa Mister Teen International.

Mulat ang mga mata at bukas ang isipan ni Robert sa kanyang mga responsibilidad bilang kinatawan ng Pilipinas sa Mister Teen International.
Nasaksihan niya ang mga charity work ni Patricia nang koronahan ito bilang Miss Noble Queen of the Philippines-Universe sa inaugural edition ng Miss Noble Queen of the Philippines noong December 2, 2019.
Read: Patricia Javier, kinoronahang Noble Queen of the Universe 2019
Isinasama ni Patricia si Robert sa mga medical mission at pamamahagi ng tulong ng Noble Queen of the Philippines Organization sa mga mahihirap nating kababayan kaya alam ng kanyang mga anak ang kahalagahan ng pagtulong sa kapwa.