Kung masaya ang pagdiriwang ng 69th birthday ni Vic Sotto sa Eat Bulaga! ngayong Sabado, April 29, 2023, malungkot namang nagpaalam sa telebisyon ang mga host ng Tropang LOL, ang late-morning variety show ng Brightlight Productions na napapanood sa TV5, A2Z, at Kapamilya Channel.
Nagsimula ang Tropang LOL noong October 19, 2020 bilang LOL o Lunch Out Loud, ang noontime show ng Kapatid Network.
Pero nagkaroon ng mga pagbabago sa pamagat at timeslot mula nang mapanood sa TV5 ang It’s Showtime, ang pangtanghaling programa ng ABS-CBN, noong July 16, 2022.
Read: It's Showtime to air on TV5 back-to-back with Lunch Out Loud
Tumagal sa telebisyon ng dalawang taon, anim na buwan, at sampung araw o 922 days ang noontime show na pinangungunahan nina Billy Crawford, Alex Gonzaga, at Bayani Agbayani.
Hanggang dumating ang pinangangambahan nila—ang petsang April 29, 2023—dahil kailangan nang isara at magpaalam ang kanilang programa.
Read: Tropang LOL, magpapaalam na sa ere sa April 29 — sources

Nasaksihan ng mga manonood ang pagluha ni Billy sa huling araw ng Tropang LOL dahil matinding kalungkutan ang sumanib sa kanya.
“It’s great. It was great. It was a blessing kaya itong luha ko, e, tears of joy, masasabi ko, kasi lahat ng katapusan may panibago yan, e,” malungkot na sabi ni Billy.
“Di ba, nung nagsara nga last time, marami ang nawalan ng pag-asa, nagkita-kita rin tayo dito, di ba, kasi hindi naman tayo ang nag-o-orchestrate nito.
“Hindi tayo yung nagko-choreo. Hindi tayo yung gumagawa nito.
"Sa tingin ko, ang Panginoong Diyos ang nagbuo nito para sa atin.
"Kaya apart sa production, sa Brightlight, kay Mayor [Albee Benitez, Brightlight producer], sa lahat, talagang kailangan kaming magpasalamat sa Panginoon, tayong lahat.
“Kaya yung pakiramdam nung nakita ko yung video na hindi ko mapigilan yung iyak ko, hindi sa lungkot. Sa sakit, dahil mami-miss ko kayo truly.
“I treated and you treated me a family. Gusto ko lang magsabi sa lahat ng tao na nandito, sa lahat ng nanonood na Tropang LOL, maraming-maraming salamat,” basa ang mata ng luhang pasasalamat ni Billy sa lahat ng mga sumuporta at tumangkilik sa Tropang LOL.

Umayon si Bayani sa mga binitiwang salita ni Billy dahil, tulad nito, naniniwala siyang may kinalaman ang Panginoong Diyos sa lahat ng mga nangyari at mangyayari.
“Yung Tropang LOL, hindi naman namin ito pinlano. Hindi natin ito in-expect,” reaksiyon ni Bayani sa mga sinabi ni Billy.
“Ni hindi ko nga alam na kasali ako dito. Ang lahat ng nag-o-orchestrate ng buhay natin sa future ay ang Panginoong Diyos.
“Hindi natin alam baka pagkatapos nito bumalik ang Tropang LOL. Ang title? LOL kayong lahat!”