Iyak nang iyak si Ai-Ai delas Alas nang dalhin niya sa Amerika ang kanyang paboritong alagang aso na si Sailor noong April 30, 2023.
Magkahalong gutom, pagod, at kaligayahan ang naramdaman ng Comedy Queen.
Pagod na pagod ang pakiramdam ni Ai-Ai dahil hindi siya natulog sa biyahe ng eroplano na tumagal ng halos labindalawang oras. Karga-karga kasi niya si Sailor, na nagigising at nagugulat kapag dumadaan sa cabin aisle ang ibang mga pasahero.
Si Sailor ang six-year-old Pekingese service pet dog ni Ai-Ai.
U.S.-based na si Sailor pero hindi madali ang mga proseso para madala siya sa Amerika ng kanyang amo.
Noong February 2023, nagsadya si Ai-Ai sa tanggapan ng U.S. Registered Service Dog sa California dahil ipinarehistro niya si Sailor para maging legal ang pagpunta nito sa U.S.

Sumailalim si Sailor sa titer test, isang pagsusuri sa dugo ng mga aso para masukat ang antibodies sa kanilang katawan laban sa mga uri ng sakit.
Pagpapatuloy ni Ai-Ai, “Kinuhanan siya ng dugo sa Pilipinas ng Pet Transport Services, at ito ang nagpadala sa United Kingdom ng dugo niya.
“Ang Pet Transport din ang nag-pre-departure checkup kay Sailor para makatiyak na physically fit siya na sumakay sa eroplano."
EMOTIONAL AND SERVICE DOGS
May paliwanag si Ai-Ai tungkol sa pagkakaiba ng emotional at service category ng mga asong sumasakay sa mga eroplano na dagdag kaalaman para sa mga kababayan nating nagbabalak dalhin sa ibang bansa ang kanilang Philippine-based pet dogs.
Ayon kay Ai-Ai, “Cabin passenger si Sailor dahil service dog ang kategorya niya.
“Iba ang service dog sa emotional dog. Kapag emotional dog, gusto mo siyang kasama dahil nalulungkot ka lang.
“Psychiatric dog naman ang mga service dog. Kumbaga, may silbi sa akin si Sailor dahil may anxiety ako.
“Kapag sinusumpong ako ng anxiety, may ginagawa si Sailor dahil nade-detect niya ang nangyayari sa akin.
"Service dogs din ang tawag sa mga asong kasama ng mga blind person.
“Magandang information yan dahil marami ang hindi na nakakaalam na ang mga emotional dog, hindi na pinapayagang sumakay sa cabin.
“Puwede lamang sila sa plane cargo pero may bayad.
"Nang magtanong ako ng pamasahe para sa tatlong emotional dogs ko na gusto ko rin dalhin sa Amerika, sinabi sa akin na P280,000 ang magagastos ko. Ang mga service dog, libre ang pamasahe.
“Nang i-apply ko si Sailor sa U.S. Service Dog noong February, ininterbyu ako ng psychiatrist tapos binigyan niya ako ng registration letter na proof na service dog ang aso ko."
Pagpapatuloy niya, “Mahaba at matagal ang proseso kaya kasama na sa pag-iyak ko sa loob ng eroplano ang sobrang happiness dahil successful ako na dalhin si Sailor sa Amerika.
“Iyak ako nang iyak at sobra ang panalangin ko na, ‘Lord, tulungan Mo naman ako. Nahihirapan at nahihilo na ako dahil hindi ako makakain at hindi makatulog.
“Lalo akong umiyak nang lapitan ako ng plane purser [lead flight attendant] na fur-mommy din.
"Ang bilis na dininig ng Diyos ang dasal ko dahil lumapit sa akin ang plane purser at inalalayan niya ako habang kumakain kami ni Sailor.
“Mahilig si Sailor sa fruits kaya watermelon ang kinain niya. Wala naman akong naging problema sa pag-ihi niya dahil potty-trained siya.
“Kapag naglilikot at inaamoy na niya ang sahig, dinadala ko na si Sailor sa comfort room dahil sign yon na iihi na siya.”
Bukod sa pagpaparehistro kay Sailor sa U.S. Service Dog, in-enroll ni Ai-Ai ang pet dog nito sa isang dog training school sa Pilipinas para matuto ng restaurant manners, response to noise, leash recovery, transfer of control, building egress, entry of vehicle, at team bond bilang paghahanda sa paninirahan niya sa Amerika.
Ipinagpagawa rin ni Ai-Ai si Sailor ng sariling pet passport nito kaya nalaman naming December 10, 2016 ang kanyang kaarawan at Delas Alas din ang family name niya.


Lahad ni Ai-Ai, “Ewan ko ba, sobrang mahal ko si Sailor dahil since baby pa siya, ako na ang nag-alaga sa kanya.
“Namatay kasi sa panganganak ang nanay niya na alaga naman ni Sancho [Ai-Ai’s son].
“Nung manganganak na ang mommy ni Sailor, sumama ako. Pero noong nasa clinic na kami, tinitigan niya ako na parang naghahabilin na alagaan ko ang kanyang mga anak.
“Naloka ako nang mamatay ang mommy ni Sailor pagkatapos na ipanganak siya at ang mga kapatid niya—two boys at two girls sila.
“Bakit si Sailor ang paborito ko? Siya ang mas close sa akin. Ako ang talagang nag-alaga sa kanya dahil palagi siyang nagsusuka noong baby pa. Parang ako na talaga ang tumayong mommy niya.”
Tuwang-tuwa si Ai-Ai dahil natupad ang pangarap niyag dalhin si Sailor sa Amerika.
Habang magkausap kami, mahimbing na mahimbing na natutulog sa kanyang kama ang Pekingneses dog na tinamaan ng matinding jetlag.