Bukas, May 8, 2023, ang pilot telecast ng Voltes V: Legacy kaya malalaman ang epekto ng cinema release sa bagong primetime television series ng GMA-7.
Nag-umpisa noong April 19 ang limited theatrical release sa SM Mall cinemas ng special edit o cinematic experience nito at na-extend pa hanggang May 9, isang araw pagkatapos ng world premiere ng pinakamagastos na proyekto ng Kapuso Network.
Mga bida sa Voltes V: Legacy sina Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega, Radson Flores, Raphael Landicho, at Matt Lozano, at hindi naging madali para sa kanila, maging sa production crew ang proyekto na tumagal ng tatlong taon bago nakumpleto.
Si Helen Rose Sese, ang Assistant Vice President for Drama ng GMA-7 ang nagkuwento ng mga hamon na hinarap at napagdaanan nila nang magsimula ang kanilang taping noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
“Nag-start kami mag-shoot noong simula ng pandemic, naka-lock-in kami. Imagine yung threat ng COVID-19 at that time and yung gastos ng network na lahat kami naka-lock-in. Dagdag pa yung mahigpit na protocols na kailangang sundin.”
Walong taon pa lang ang child actor na si Raphael na gumanap na Little Jon nang umpisahan ang taping ng Voltes V: Legacy noong 2020.
Nasubaybayan ng production staff ang kanyang paglaki kaya tatlong beses na pinalitan ang costume na ginamit niya.
“Three years kaming magkakasama. Si Little Jon [Raphael] maliit pa noon. Tatlong beses kaming nagpagawa ng costume niya at isa yun sa malaking challenge na pinagdaanan ng production kasi hindi puwedeng mag-shoot noon ang minor," kuwento pa ni Helen.
“We had to finish all the sequences without him. There were meetings pa kung papalitan ba si Little Jon, but no. Nanindigan kami. May hope kami na huhupa ang COVID-19 and thank God dahil natapos namin ang project na ito.”
Naniniwala si Helen na nagbunga nang maganda ang lahat ng mga sakripisyo ng production staff at ng mga artista ng show.
“We sacrificed a lot of our time. Yung times na we’d be spending with our families, wala kami but I’m not complaining because this is such a legacy project and I’m really proud na sa amin ito napunta because tangay na namin ito forever.
Credits to the team behind me na never sumuko sa lahat ng challenges. We’re very thankful sa network kasi ang dami naming pinagdaanan na additional taping days just to finish this.
"I’m very thankful for the support of the network to come up with such a good project.”