Ang pagbuhusan ng pagmamahal at bigyan ng pagpapahalaga ang kanilang mga ina habang nabubuhay pa ang Mother’s Day message ng sexy actor na si Benz Sangalang para sa lahat, lalung-lalo na sa mga kabataan.
"Mahalin ninyo ang mga nanay ninyo habang nabubuhay pa sila dahil kapag kinuha na siya ng Diyos, puro pagsisisi at alaala na lamang ang matitira," sabi ni Benz.
Nakausap siya ng Cabinet Files tungkol sa pagdiriwang ngayong Linggo, May 14, ng Araw ng mga Ina.
Si Benz ay 16 years old nang bawian ng buhay ang kanyang ina na si Beth Portus, na pinaslang noong October 1, 2012 sa tahanan nila sa Pandi, Bulacan.
Natagpuan na durog ang mukha ng nanay ni Benz at nawawala ang mga personal na gamit nito tulad ng mga alahas at cellphone.
Ayon kay Benz, hindi pa nagkakaroon ng hustisya hanggang ngayon ang malagim na sinapit ng kanyang ina.
"Nagkataon na may nakaaway siya na kapit-bahay namin na parang illegal ang trabaho, yung drugs.
"Pero siyempre, ayaw naming sisihin dahil wala kaming ebidensya."
Ano ang mga alaala niya sa kanyang ina?
"Three years kaming magkasama nang maging single parent si Mama bago siya muling nag-asawa.
"Ang pinakanaaalala ko noong nabubuhay pa siya ay isinasama niya ako sa kanyang buy-and-sell business ng appliances na ibinebenta ng hulugan.
"Napakasipag po talaga ni Mama."
Masakit para kay Benz ang pagpanaw ng ina.
Aniya, "Napakahirap po na mawalan ng ina. Broken family kami, at ang mama ko ang nagpalaki sa akin.
"Kaya nung nawala siya, parang nabawasan ang kalahati ng buhay ko."
JUSTICE FOR HIS MAMA
Kahapon, May 13, dumalaw si Benz sa puntod ng kanyang ina sa Serenity Memorial Gardens sa Caloocan City bilang paggunita sa Mother’s Day.
Nagdala siya ng mga bulaklak.

Mahigit sampung taon na ang nakararaan mula nang paslangin ang ina ni Benz, at ipinauubaya na lamang daw niya ito sa Panginoong Diyos.
"Hindi ko na po iniisip na mabibigyan pa ng hustisya ang nangyari sa kanya.
"Pero kung magkakaroon ng milagro, siguradong magiging masaya ako.
"Kung nabubuhay si Mama, tiyak na masaya siya dahil naging artista ako. Siya po talaga ang may pangarap na mag-artista ako."
BENZ SANGALANG AS VIVAMAX STAR
Bida si Benz sa Vivamax movies na Sex Games at Hugot.
Pero naranasan din niya na lumabas noon bilang ekstra sa mga programa ng TV5, ang Sleepless at Regal Shocker.
Hindi raw siya nakatikim ng diskriminasyon noong bit player pa siya dahil mababait ang mga sikat at veteran star na nakatrabaho niya.
Ngayong bida na siya sa mga proyekto ng Vivamax, umaasa si Benz na mabibigyan ito ng pagkakataon na muling mapanood sa telebisyon, dahil passion niya raw talaga ang pag-arte.