Dahil sa Lalamove, mabilis na nakarating kay Mary Joy Dacoron ang Sinag Filipiniana gown na nilikha ng Bacoor, Cavite-based fashion designer na si Markie Cadag noong Miyerkules ng hatinggabi, May 17, 2023.
Si Joy, na isang volleyball player, ang representative ng Cebu Province sa Binibining Pilipinas.
Naging kontrobersiyal siya dahil sa Sto. Niño de Cebu vestment national costume niya na tumanggap ng mga batikos mula sa mga deboto.
Read: Devotees offended by Sto. Niño national costume of Bb. Pilipinas 2023 candidate
Ang mga negatibong pagpuna sa national costume ni Joy ang dahilan kaya inalis sa Facebook page ng Binibining Pilipinas ang kanyang larawan.
Pinayuhan din siyang magpalit ng kasuotan para sa National Costume presentation na naganap sa New Frontier Theater, Cubao, Quezon City, nitong Huwebes ng hapon, May 18.
Hiningi ni Joy ang tulong ni Markie, na mabilis na gumawa ng solusyon para may maisuot ang kandidatang nalungkot nang husto dahil hindi niya inakalang malaking isyu sa ibang mga tao ang kanyang Sto. Niño de Cebu national costume.

Maituturing na isang serendipity story ang pagsasalubong ng mga landas nina Markie at Joy dahil nagkakilala lamang sila sa Santacruzan sa Market! Market! sa Taguig City noong May 6, 2023.

Fashion designer Markie Cadag and Bb. Pilipinas 2023 candidate Mary Joy Dacoron
Kuwento ni Markie sa Cabinet Files, “Actually, parang destined po ang pagkakakilala namin ni Joy. She became my replacement muse when my original muse backed out on me sa Sagala event ko sa Market! Market! noong May 6.
“She was referred to me by our organizer dahil nagsabi ako na nag-back out sa last minute ang muse ko. Luckily, wala pang designer si Joy at gusto niya ring rumampa.”
Tinulungan agad ni Markie si Joy nang malaman niya ang naging problema ng dalaga sa hindi inaasahang magiging kontrobersiyal na national costume na gawa ng fashion designer na si Chino Ledesma Christopherson.
Lahad ng 36-year-old fashion designer na si Markie: “Everything was so very sudden and unexpected. Joy messaged me last night, 9 p.m., asking if I have a festival costume on hand na puwede niyang isuot at, luckily, I have this Sinag Filipiniana gown on hand.
“Originally, kasama ang Sinag Filipiniana sa graduation show collection ko sa isang fashion school way back 2019.
“Nai-exhibit ko na rin po yan sa Newport Mall at Market! Market! pero first time na nairampa sa isang national pageant.
“I just did the modified version dahil si Chino nga ang original designer.
“Hindi ako nagdalawang-isip na tulungan si Joy when she asked me kasi she helped me first. I just returned the favor and she deserve every bit of help.
“Super needed niya talaga ang help and the heavens was in favor of her dahil lahat ng hiningan niya ng tulong, e, nakapag-provide for her.”

Ginamit pa rin ni Joy sa modified national costume nito ang red cape ng kanyang kontrobersiyal na Sto. Niño de Cebu-inspired national costume dahil ayaw niyang mabale-wala o masayang ang nilikha ni Christopherson.
“She was expecting na mailalabas niya ang original concept kasi, for her, wala naman malice sa concept. It was pure devotional in her own thinking but then hindi naman natin hawak ang views ng karamihan.
“And she was told to modify it and so she did. Masunurin po siya.
“Yung red cape at train ng original Sto. Niño de Cebu national costume, ginamit pa rin ni Joy. She didn’t want it to be wasted kaya ginawan ng paraan para ma-incorporate pa rin sa ensemble.
"Siya rin ang nagkabit ng red cape sa Sinag Filipiniana gown niya."

Maligayang-maligaya si Markie dahil nakatulong siya kay Joy, kahit hindi siya nakapunta sa New Frontier Theater para panoorin ang National Costume presentation dahil sa kawalan niya ng ticket.
Sa apat na kandidata ng 59th edition ng Binibining Pilipinas na ginamit na inspirasyon ang mga imahe ng santo bilang disenyo ng kanilang mga national costume, bukod-tanging si Joy ang nakatikim ng masasakit na salita at mga panghuhusga.
Read: Apat na Binibining Pilipinas 2023 candidates, inspired din sa mga santo ang national costume
Pero parang binasbasan at ginabayan siya ng Sto. Niño de Cebu dahil sa tulong ni Markie, nagawa niyang malutas ang kanyang problema.
Hindi man nagamit ni Joy, na deboto ng Sto. Niño de Cebu, ang kanyang original national costume, tiniyak niyang bahagi pa rin ng kanyang kasuotan ang Sto. Niño de Cebu dahil ang imahe nito ang bitbit niya nang rumampa siya sa entablado para sa National Costume presentation ng Binibining Pilipinas 2023.