Ang malungkot na balitang tinupok ng apoy ang Manila Central Post Office sa Magallanes Drive, Manila, ang gumulantang sa mga Pilipino ngayong Lunes ng umaga, May 22, 2023
Nagsimula ang unang alarma bandang 11:41 p.m. ng Linggo, May 21.
Apat na fire trucks ang kinailangan para maapula ang sunog sa gusali na idineklara bilang isa sa Important Cultural Property ng National Museum of the Philippines noong November 2018.
Ngayong Lunes ng umaga, May 22, humantong na ang sunog sa General Alarm level.
Ito ay nangangahulugang walumpong (80) fire trucks ang kailangan at nagtulung-tulong para masugpo ang apoy na lumamon sa Manila Central Post Office, na isa sa mga iconic na gusali sa buong Pilipinas.
Ang Manila Central Post Office ang isa sa mga obra maestra ng Filipino architect na si Juan Arellano (April 25, 1888-December 5,1960) na itinayo noong 1926 sa halagang isang milyong piso.
Neoclassical style at may labing-anim na ionic na haligi ang disenyo ng Manila Central Post Office.
Nawasak ang ilang bahagi nito sa Battle of Manila na nangyari mula Pebrero 3 hanggang March 3, 1945, ang panahon ng pangalawang pandaigdig na digmaan.
Sumailalim ito sa rehabilitasyon noong 1946.
Na-immortalize o napanatiling buhay ang Manila Central Post Office sa Ikaw Lamang Hanggang Ngayon, ang pelikula nina Regine Velasquez at Richard Gomez na pinilahan sa takilya nang magbukas sa mga sinehan noong February 13, 2002.
Kinunan ang karamihan ng mga eksena ng Ikaw Lamang Hanggang Ngayon sa Manila Central Post Office dahil nagtatrabaho sa naturang tanggapan ang karakter na ginampanan ni Regine.

Malaking bahagi ng kuwento ng pelikula ang wooden bench o bangko dahil dito nagsimula ang pagmamahalan ng mga pangunahing bida.
Matatagpuan sa harap ng Manila Central Post Office ang bangko ma ginamit nina Regine at Richard sa Ikaw Lamang Hanggang Ngayon dahil ibinigay ito ng Viva Films sa City of Manila bilang donasyon.
Bukod sa Ikaw Lamang Hanggang Ngayon, immortalized din ang Manila Central Post Office sa Fangirl Fanboy, ang 2017 youth-oriented movie nina Ella Cruz at Julian Trono.
Mapapanood sa FPJ's Batang Quiapo sa huling pagkakataon ang kabuuan ng Manila Central Post Office bago ito masunog dahil dito kinunan ang mga eksena ni Lorna Tolentino.