Ginugunita ng mga nagmamahal kay National Artist for Film Lino Brocka ang ika-32 anibersaryo ng kanyang kamatayan ngayong Lunes, May 22, 2023.
Nasawi si Lino noong May 22, 1991, Miyerkules ng madaling-araw, matapos bumangga sa isang konkretong poste ng Meralco sa kanto ng East Avenue at Katarungan Street sa Quezon City ang Toyota Corolla, na may plakeng PPM-167, na sinasakyan nila ng aktor at ng kanyang protégé na si William Lorenzo.

Kagagaling lamang nina Lino at William mula sa Spindle, ang nightclub sa Tomas Morato Avenue, Quezon City, na dating pag-aari ng yumao na ring singer na si Rico Puno (February 13, 1953 - October 30, 2018).
Pauwi na si Lino sa tahanan nito sa Mira-Nila Homes sa Tandang Sora, Quezon City, at si William ang maghahatid sa kanya nang maganap ang malagim na aksidente.
Isinugod sa East Avenue Medical Center sina Lino at William. Pero idineklara ng mga doktor na binawian ng buhay ang 52-year-old award-winning at internationally acclaimed filmmaker dahil sa “hemorrhage, secondary to multiple traumatic injuries.”
Ipinagluksa ng Philippine movie industry ang nakabibiglang pagpanaw ni Lino.
Ibinurol ang kanyang mga labi sa University of the Philippines, at inihatid sa kanyang hantungan sa Himlayang Pilipino Memorial Park sa Tandang Sora, Quezon City.
Ipinagmamalaki ng Pilipinas si Lino dahil sa mga pelikulang kanyang ginawa na kinilala sa ibang bansa. Kabilang na rito ang Insiang (1976), Jaguar (1979), Bona (1980), Bayan Ko: Kapit sa Patalim (1984), at Orapronobis (1989).
Naghatid si Lino ng mga karangalan sa ating bansa at idineklara siya posthumously bilang Pambansang Alagad ng Sining noong October 1997.
Dahil sa malaking kontribusyon niya sa industriya ng pelikulang Pilipino, hindi naman siguro magiging kalabisan kung pagtutuunan ng pansin ng mga kinauukulan at ng mga nagmamahal sa kanya ang payak na lapida ng libingan ni Lino.

Niluma na ito ng panahon kaya kailangan nang ayusin, palitan, at ilagay ang mga salitang "National Artist," tulad ng nakasulat sa lapida ng kapwa niya direktor na si Ishmael Bernal.
Pumanaw si Ishmael noong June 2, 1996 at nakahimlay rin sa Himlayang Pilipino Memorial Park.
Pero gaya ng lapida ni Lino, nararapat na ipaayos na rin ang lapida ni Bernal dahil biyak na ito sa gitna.

WILLIAM LORENZO
Hindi kaagad sinabi kay William Lorenzo na namatay si Lino sa aksidenteng sinapit nila para hindi maapektuhan ang kanyang emotional at mental health.
Sa panayam noon ni Mario Dumaual ng ABS-CBN kay William habang nakaratay pa ito sa ospital, nagsalita pa ang aktor na gumaling na sana si Lino.

Sa ika-32 anibersaryo ng pagpanaw ni Lino ngayong araw, nakipag-ugnayan ang Cabinet Files kay William at aming hiniling sa kanya kung maaari namin siyang makausap tungkol sa mga alaala niya sa yumaong direktor.
“Pasensiya na po pero ayaw ko na po sana balikan ang hindi inaasahang nangyari sa amin. Ilang years din po ang inabot bago ako naka-recover.
"Salamat po sa pag-unawa,” sagot ni William sa aming mensahe.
Humingi agad kami sa kanya ng sinserong paumanhin dahil wala sa intensiyon naming muli siyang makaramdam ng labis na kalungkutan.
Nang sabihin namin kay William na sana ay hindi namin siya na-offend, ito ang sagot niya sa amin: “Thanks for understanding. All I can say to sum it up all… mahal ko si Lino.”
Sapat na ang sagot ni William para mawala ang guilt na aming naramdaman dahil muli naming ipinaalaala sa kanya ang isang napakalungkot na bahagi ng buhay niya.