Kahit hindi na napapanood ang Wowowin sa telebisyon, dahil sa desisyon ni Willie Revillame na wakasan ang kontrata niya sa ALLTV, aktibo pa rin sa official Facebook page ang mga tagasuporta nito.
Nami-miss na raw nila ang Wowowin na naging bahagi na ng kanilang buhay, kasunod ang mga tanong kung kailan magbabalik sa telebisyon si Willie.
Kabilang sa mga nangungulila kay Willie at sa Wowowin ang mga matatandang nabibigyan niya ng pag-asa at tulong sa pamamagitan ng pamimigay ng pera para pambili ng mga gamot noong may television show pa siya.
Nasa "sabbatical leave" man si Willie mula nang magpaalam ito sa ALLTV, nananatili siyang abala dahil inaasikao niya ang pagpapagawa ng kanyang resort sa Puerto Galera, Oriental Mindoro.
Read: Willie Revillame reaches agreement to terminate contract with AMBS
Malawak na ang private resort ni Willie na may sariling helipad dahil nabili na niya ang katabing lupain.
Ang resort ni Willie ang isa sa mga atraksiyon ng mga turista. Dahil pribadong pag-aari, nakukuntento na lamang silang tanawin mula sa malayo ang isa sa mga sikat na lugar sa Puerto Galera.
Bukod sa pagpapaayos sa nasabing resort, nakatutok si Willie sa pagpapatayo ng five-star hotel nito sa Tagaytay City na kanyang madalas na pinupuntahan, sakay ng helicopter niya na siya mismo ang nagpapalipad.
Maaaring tapusin na ni Willie sa susunod na buwan ang kanyang sabbatical leave mula sa television industry dahil sa importanteng anunsiyo na ipararating niya sa publiko.
May kinalaman sa Wowowin ang announcement ni Willie sa June 2023. Ito umano ang magiging sagot sa mga tanong ng mga tagahanga at tagasuporta niya tungkol sa hinihintay na pagbabalik ng kanyang programa na malaking tulong sa mga kababayan nating kapus-palad at nangangailangan.