Ganap nang dalaga ang former child actress na si Ryzza Mae Dizon dahil ipinagdiriwang niya ngayong Araw ng Kalayaan, June 12, 2023, ang kanyang ika-18 kaarawan.
Kung hindi nagpaalam sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, at ang Dabarkads mula sa TAPE Inc. noong May 31, 2023, tiyak na nagkaroon si Ryzza Mae ng engrandeng selebrasyon sa noontime show na kanilang iniwanan, ang Eat Bulaga!.
May kasabihang "Better late than never" kaya hindi pa huli ang lahat dahil puwede pang magdiwang si Ryzza Mae ng 18th birthday niya kapag nagsimula na sa TV5 ang bagong noontime show na tatampukan ng mga pioneer host ng Eat Bulaga! at ng Dabarkads.
Read: “Legit Dabarkads,” other celebs react to TVJ’s transfer to TV5
Hindi rin naman nakalimot ang mga nagmamahal kay Ryzza Mae dahil sa mga pagbating natanggap nito mula sa kanyang mga kaibigan at kapwa artista na nagpadala ng mensahe sa Instagram page niya.
Nagsimula sa Eat Bulaga! ang showbiz career ni Ryzza Mae nang tanghalin siyang grand winner ng Little Miss Philippines, sa edad na anim, noong June 9, 2012.
Makalipas ang tatlong araw, June 12, 2012, ipinagdiwang ni Ryzza Mae sa Eat Bulaga! sa kauna-unahang pagkakataon ang kanyang ika-pitong kaarawan.

Samantala, tanging sina Vic Sotto at Jose Manalo na lamang sa original cast ng Eat Bulaga! ang mapapanood sa mga programa ng GMA-7.
Nag-umpisa nang mapanood sa Kapuso Network noong May 27 ang bagong sitcom ni Vic kasama si Maja Salvador, ang Open 24/7.
Ang M-Zet Productions ni Vic ang producer ng sitcom na umere apat na araw bago sila nagpaalam ng kanyang mga kasamahan sa TAPE Inc.
Ang Battle of the Judges, na matutunghayan simula sa July 15, ang bagong proyekto ni Jose sa GMA-7.
Tinanggap ni Jose ang alok maging isa sa mga hurado ng nabanggit na talent show bago pa sila nagdesisyong magpaalam sa TAPE Inc. at lumipat sa TV5.