Ipinakilala ng GMA Integrated News ang 27-year-old former Mapua Cardinals spiker na si Anjo Pertierra bilang pinakabagong weather presenter ng Unang Hirit, ang early morning program ng GMA -7.
Read: GMA Network launches GMA Integrated News Weather Center; introduces new roster of weather presenters
Pamilyar ang manonood kay Anjo dahil bukod sa sikat na volleyball player, sportscaster siya at lumalabas sa telebisyon bilang aktor.
Ang drama anthology na Mano Po, Regal Studio Studio Presents, at ang comedy-romance drama ng TV5 na Kurdapya ang ilan sa mga TV assignment ng 6’2" volleyball player at physical education graduate.
Nanalo siyang Mr. Cardinal ng Mapua noong 2018.

Ang ama ni Anjo ay half-Spanish, ang kanyang ina ay Vietnamese, pero sa sarili niyang salita, siya raw ay "Pinoy."
Sa exclusive interview ng Cabinet Files kay Anjo, sinabi nitong malaking hamon at biyaya ang pagtitiwala na ibinigay sa kanya ng GMA Integrated News.
“Isa po itong malaking challenge sa akin. At the same time, isang malaking blessing dahil sa dami po ng gustong mapunta sa puwesto ko, ako po yung pinalad mabigyan ng opportunity na ganito—ang makapagserbisyo sa ating mga kababayan sa pagbibigay ng ulat panahon,” pahayag ng emerging TV heartthrob.
Tumatanaw ng malaking utang na loob si Anjo sa Virtual Playground, ang talent management agency na namamahala sa kanyang entertainment at sports career.
Lahad niya, “After po ng paglalaro ko sa Mapua, sa tulong po ng management agency ko, ang Virtual Playground, sumubok ako ng iba’t ibang bagay.
“Andiyan po ang acting, modelling, pati na rin ang pagiging sports analyst, at dito ako napansin ng GMA-7 management. Inimbitahan nila akong mag-audition sa GMA Intergrated News.”

Dahil sa kanyang mga karanasan, talento, at kaaya-ayang personalidad, nakapasa si Anjo sa auditions na nilahukan nito at pinalad maging miyembro ng GMA Integrated News.
Pinaghandaan daw niya itong mabuti.
“Halos lagpas isang buwan na rin po akong pumapasok araw-araw para sa trainings dahil talagang bago ang lahat ng ito para sa akin.
“Pero gaya po nang nakasanayan ko bilang atleta, kapag nag-commit ka sa isang bagay, ilalaban mo po talaga hanggang magtagumpay ka. Wala pong susuko kumbaga.
“Kulang po ang salitang excited para i-describe ang nararamdaman ko lalupa’t sa Unang Hirit po ako sasalang.
“Ang Unang Hirit po ang show na kinalakhan ko at pinapanood tuwing umaga bago ako pumasok sa school.
“Ngayon, ako na po ang isa sa mga mapapanood kaya po makaaasa po ang ating mga Kapuso na pagbubutihan ko ang aking mga gagawin,” pangako ni Anjo.