Sa hindi inaasahang pagkakataon, inihinto ni Boy Abunda ang interbyu niya kay Ariel Rivera sa live telecast ng Fast Talk With Boy Abunda nitong Biyernes ng hapon, June 16, 2023.
Napahagulgol ng iyak ang singer-actor nang mapag-usapan ang kanyang ama na si Ben Rivera, na sumakabilang-buhay noong December 2020.
Nagdesisyon si Boy na magkaroon muna ng commercial gap dahil, tulad ni Ariel, napaluha na rin siya at nakita niyang nangibabaw na ang matinding emosyon sa kanyang bisita.
Hindi na napanood ng mga manonood ang mga sumunod na eksena—ang breakdown ni Ariel na hindi na nakunan ng kamera at ang pagpapainom sa kanya ng tubig para kumalma siya.
Sepsis ang ikinamatay ng ama ni Ariel sa Toronto, Canada, noong December 2020.
Nagkaroon pa ng pagkakataong makapagpaalam nang personal ang singer sa kanyang ama habang nakaratay ito sa ICU ng ospital.
“I just whispered in his ear and said, 'Thank you, Dad. Thank you for everything you’ve done for me and given me.'
"I just said, 'Don’t worry, I will take care of mom. Kung pagod na kayo, magpahinga na kayo,' and that’s all I said…” kuwento ni Ariel habang pumapatak ang masaganang luha mula sa kanyang mga mata.
Pagbibigay-pugay pa niya sa ama: “I am who I am because of my dad.
"My dad brought us up through his actions. Things you take for granted, like basketball games, nandoon siya to support.
"But he was never the type that would say 'I love you' or 'I’m proud of you. Tama yung ginagawa mo.'
"He just shows things through actions, and I’ve always been like that. I didn't know I was like that kahit noong nagkaanak na ako.
"I realize I am my father’s son and, I think, he brought us up the right way."
Napag-usapan nina Boy at Ariel ang tungkol sa mga ama dahil ipagdiriwang sa darating na Linggo, June 18, ang Araw ng mga Ama.