Malalaman ngayong Miyerkules ng tanghali, June 21, 2023, kung mapapanood na muli nang live ang Eat Bulaga! sa YouTube channel at Facebook page.
Ito ay matapos mawala ang YouTube channel at Facebook page na Eat Bulaga Na dahil sa report ng detractors ng noontime program ng TAPE Inc. sa administrator ng mga nabanggit na social media platforms.
Araw ng Lunes, June 19, nang unang mawala ang YouTube channel ng Eat Bulaga Na. Kinagabihan, ang Facebook page nito ang sumunod na naglaho.

Kahapon, Martes, June 20, pansamantalang napanood sa verified Facebook page ni Paolo Contis (may 1.8 million followers) at ni Isko Moreno (may 5.5 million followers) ang live streaming ng kanilang kontrobersiyal na programa.
Hindi pa verified ang Facebook page ng Eat Bulaga Na, na meron nang 14,000 followers noong June 13, kaya madali itong isinara ng Facebook administrator dahil nga sa report o reklamo ng netizens na nananatiling tapat sa mga original host na sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, at ang Dabarkads.
Read: Tito Sotto, Vic Sotto, and Joey de Leon bid goodbye to TAPE, 'Eat Bulaga!' viewers
May 20 million followers ang verified Facebook page at 5.29 million subscribers ang YouTube Channel ng pioneer hosts ng Eat Bulaga!.
Pero hindi na ito aktibo mula nang magdesisyon sina Tito, Vic, at Joey na iwanan ang TAPE Inc. noong May 31, 2023.

May 31 din nang magbukas ng bago at official Facebook page sina Tito, Vic, at Joey, ang TVJ, na meron nang 539,000 followers.
Hindi pa ito verified kaya puwedeng maging biktima rin ng netizens na mga hindi abala sa buhay at kaligayahan na ang mag-report para maipasara ang mga Facebook page na napag-iinitan nila.
