May sagot si Luis Hontiveros sa netizens na dinudurog at hinuhusgahan ang pagkatao niya dahil sa kanyang sintunadong pagkanta sa coronation night ng Miss Pagadian 2023 na ginanap sa Oval City Gymnasium ng Pagadian City noong June 19, 2023.
Read: Luis Hontiveros, ayaw nang balikan ang ginawang paghuhubad sa Vivamax movie
Ang 2004 hit song ng Mayonnaise na "Jopay" ang piniling awitin ni Luis sa gabi ng koronasyon ng Miss Pagadian, pero hindi niya nabigyan ng hustisya ang sikat na kanta dahil sa kanyang sintunadong boses.
Pinaratangang lasing at katakut-takot na pamimintas ang tinanggap ni Luis dahil mabilis na nag-viral sa social media ang video ng kanyang pagtatanghal.
Ito ang ilan sa mga komento tungkol sa pagkanta ni Luis:
“Minasaker at sinalaula si Jopay."
"Tumula imbes na kumanta."
"Sinayang lang ang ibinayad ng pamahalaan ng Pagadian City."
Imposibleng hindi alam ni Luis na wala sa tono ang pagkanta nito, pero nangibabaw ang self-confidence niya. Malaking tulong din ang pagsabay ng manonood sa pag-awit niya para ganahan siya sa pagtatanghal.
Sa kabila ng mga matitinding batikos laban sa kanya, hindi nagpaapekto si Luis.
Bilang patunay, ibinahagini Luis sa Facebook page nito ang video na ipinagbubunyi ni Mayor Sammy Co at ng ibang mga bisita, kabilang si Enzo Pineda, ang sintunadong pagkanta niya ng "Jopay."
Caption ng Sparkle artist: “Para sa inyo to mga Ka-Jopay na sobrang gigil sa akin at nagsasabing lasing ako at sayang daw ibinayad ng Pagadian City, hahaha!
“Si Mayor Sammy Co and his family mismo ang nag-cheer niyan. maka-react kayo, akala nyo kasali kyo sa live event namin hahaha. Inggit pikit.
“Di naman kayo pinilit na manood pero honestly guys, to all my bashers, thank you so much for this! You guys are the best!"
Imbes na makasira, nakatulong pa ang isyu para pag-usapan at kilalanin ang aktor ng mga taong hindi nakakakilala sa kanya.