Tatlong buwan na ang nakalilipas mula nang mangyari ang malagim na vehicular accident na kumitil sa buhay ng young actor na si Andrei Sison, at sa dalawang kasama nitong sina Paolo Bueza at Arman Velasco, noong March 24, 2023.
Read: Sparkle artist Andrei Sison, 17, dies in car accident
Sa apat na pasahero ng sasakyan, tanging ang Sparkle artist na si Josh Ford ang himalang nakaligtas sa trahedya. Pero hindi pa siya nagsasalita o nagkukuwento tungkol sa malungkot na pangyayari at sa kanyang hindi makalilimutang karanasan.
Read: Josh Ford, lone survivor sa car accident na kumitil sa buhay ni Andrei Sison
Sa hindi inaasahang pagkakataon nitong Lunes ng tanghali, June 26, personal na nakausap ng Cabinet Files si Josh.
Ayon sa 18-year-old newbie actor, patuloy siyang sumasailalim sa therapy dahil sa trauma na idinulot ng aksidenteng ikinamatay ng tatlong kasamahan niya.
Papunta si Josh sa look test nito para sa bagong proyekto niya nang magkita kami sa GMA-7 compound.
Nang itanong namin ang mga pinagkakaaabalahan niya sa kasalukuyan, sinabi ni Josh na kasama siya sa primetime series na pagbibidahan nina Marian Rivera at Gabby Concepcion. Posibleng mag-umpisa na raw ang taping nila sa susunod na linggo.
Kaibigan ng child actor na si Raphael Landicho, na gaganap na anak ni Marian, ang karakter na gagampanan ni Josh sa proyektong hindi pa sinasabi ang pamagat.
Bakas sa mukha ni Josh ang tuwa dahil kasali siya sa comeback project ni Marian, na limang taon na ang nakalilipas mula nang magbida sa primetime series na Super Ma’am.
Isa si Josh sa mga promising young contract star ng talent management arm ng Kapuso Network. Malaki ang tsansang sumikat siya kung patuloy na mabibigyan ng mga proyekto at challenging roles na susubok sa kanyang kakayahan bilang aktor.