Kung mabibigyan ng pagkakataon, sina Sarah Geronimo, Anne Curtis, Julia Barretto, Xian Lim, at Matteo Guidicelli ang ilan sa mga contract star ng Viva Artists Agency na inaambisyong makatrabaho ng newbie na si Eisel Serrano.
Malaki ang tsansang matupad ni Eisel ang kanyang pangarap dahil pumirma na rin siya ng exclusive contract sa talent management agency ng Viva Entertainment.
Dating contract artist ng Star Magic si Eisel. Kasabayan niya sina Charlie Dizon at Belle Mariano nang ilunsad sila noong 2019.
Ang Love You Long Time, official entry sa 1st Summer Metro Manila Film Festival noong April 2023, ang itinuturing ni Eisel na pinakamalaking proyekto niya dahil siya ang leading lady ni Carlo Aquino.
Pero hindi nakuntento si Eisel dahil sa pakiramdam nitong parang may kulang sa kanyang acting career kaya nagpasya siyang magpahinga muna.
Nakaapekto rin kay Eisel ang COVID-19 dahil nakansela ang mga proyektong nakalinya para sa kanya.
Pahayag niya, “Sa akin lang po siguro, but I felt like I was not growing anymore. That time, I felt like hindi na para sa akin yung industriya.
"So, I had to take the risk na umalis po muna at hanapin kung ano po yung para sa akin at kung meron pa bang para sa akin."
Sinubukan din daw lumapit ni Eisel sa Sparkle Artists, ang talent management arm ng GMA-7, para magbaka-sakali.
Kuwento niya, “To be honest, I visited GMA-7 din po and I met again Mr. M [Johnny Manahan] and he’s still interested naman po. But then, parang hindi po pinalad na pagkakataon.
“Hindi ko alam kung anong nangyari na napadpad na lang ako sa Viva at na-meet ko ang mga tao dito, parang walang pagkakaiba sa Star Magic. Napakabait at very welcoming. Naramdaman ko po yung pagmamahal.
“I trust Viva when it comes to taking care of their artists. I expect a lot of learnings, a lot of experiences.
"I want to grow and I want to explore what else I can offer as an actress. Alam ko nagsisimula pa lang ako at marami pa ang puwede kong gawin."

Eisel with Viva executives Veronique del Rosario Corpus and Val del Rosario
Kahit talent na siya ng Viva Artists Agency, hindi nakakalimutan ni Eisel na magpasalamat at tumanaw ng utang ng loob mula sa Star Magic dahil sa mga oportunidad na ipinagkaloob sa kanya noong nag-uumpisa pa lamang ang showbiz career niya.