Nabigyan ng bagong anggulo ang kinasasangkutang gulo ni Awra Briguela sa paglabas ng CCTV footage na kuha sa loob ng Bolthole Bar sa Poblacion, Makati City, noong Huwebes ng madaling-araw, June 29, 2023.
Mapapanood sa video ang mga kaganapan sa pagitan ni Awra at ng kanyang mga kaibigan at ang grupo ng lalaking naghain ng reklamo laban sa kanya.
Read: CCTV footage of Awra Briguela, complainant inside Makati bar released
Mark Christian Ravana ang pangalan ng lalaking pinipilit umano ni Awra na maghubad ng damit nang makasalamuha nila ang isa’t isa sa bar.
Humantong sa kaguluhan at pisikal na pananakit ang insidente kaya dinakip at pinosasan ng mga tauhan ng Makati City Police si Awra, na nagpumiglas habang inaaresto.
Read: Awra Briguela, pinosasan matapos masangkot sa rambulan sa Makati
Pinuri si Awra at hinirang na "bayani" ng netizens dahil sa kuwento ng mga kaibigan na ipinagtanggol lamang daw nito ang kaibigan niyang babae na hinipuan at binastos umano ng grupo ni Ravana.
Sa post ng kaibigan ni Awra na si Zayla Nakajima, inilahad nito ang naranasang harassment mula sa di niya pinangalanang lalake. Kinumpronta raw ni Awra ang lalaki upang ipagtanggol siya, at dito na raw nagsimula ang gulo.

“Justice for Awra" at "I Stand With Awra" ang panawagan at paninindigan ng netizens at ilang celebrities matapos mabasa ang social media post ni Zayla at mapanood ang video ng pag-aresto kay Awra.





Read: Riva Quenery, Sassa Gurl, Barbie Imperial, other celebs show support for Awra Briguela
Ngunit matapos mapanood ang CCTV footage, marami sa netizens na naghayag ng suporta noong una kay Awra ang nagdalawang-isip at may iba pang binawi ang kanilang suporta sa kanya.
Sa CCTV footage ay mapapanood habang pinipilit ni Awra na maghubad ng kasuotan si Ravana at ang paulit-ulit na pag-iwas nito sa pananakit sa kanya ni Awra na hinihinalang nakainom.
Lalong nadiin si Awra nang mapanood ng netizens ang leaked video habang sinasagut-sagot niya nang pabalang ang mga pulis habang nasa loob sila ng Makati City Police Headquarters para sa isinasagawang imbestigasyon.
Matapos mapanood ang kabuuan ng CCTV footage, binawi ng ilang netizens ang suporta kay Awra nang kanilang mapagtanto na may pananagutan ito sa kaguluhang nangyari.
Napalitan ng mga batikos ang paghanga kay Awra, na nananatili pa rin sa kustodiya ng Makati City Police, samantalang nadagdagan ang nakikisimpatiya kay Ravana, na unang naging biktima ng mga personal na panglalait at panghuhusga.
Nadamay sa mga batikos ng netizens ang mga social media influencer at kapwa artista ni Awra na ipinagtanggol agad siya kahit hindi pa nila nalalaman ang tunay na kuwento ng pag-aresto sa aktor.
Isa si Senator Risa Hontiveros sa nakatanggap ng mga pagpuna dahil sa kanyang tweet na humihingi ng katarungan para kay Awra:

Pinayuhan ito ng ilang netizens ang senadora na panoorin ang mga CCTV footage dahil hindi raw nito alam ang kabuuan ng pangyayari.
Ilan sa mga komento ng netizens:
“Why are you just for one side? Have you heard both side? Have you reviewed all CCTV?”
“Senadora, I know u mean well pero late na po kayo sa balita kaya importante rin maging Marites minsan.”
“So yung lalaki madam ok lang sayo na pahubarin ni Awra?”
“Senator Risa, nakakita na po ba kayo ng walwalan ng mga kabataan sa mga inuman? Palagay ko po dapat turuan sila how to behave when taking alcohol.
"Wag ninyo patulan nakakababa ng prestige."
Aminado naman si Valentin Rosales na nakisawsaw siya sa isyu ni Awra, na kanyang kinampihan noong una pero binawi niya ang suporta dahil sa mga napanood na CCTV footage.
Unang reaksiyon niya, “Awra Briguela, I’m sorry for my insensitive comment. I deleted it na, I should’ve not made any comments dahil wala naman akong alam sa nangyari super sorry talaga! You’re really a true friend and I hope everything turns out fine."
Pero biglang nag-iba ang ihip ng hangin matapos nitong makita ang mga incriminating CCTV footage.
“Jusko di na ako makikisali pero gusto ko bawiin yung sorry ko. Binabawi ko yung apology video ko pero papanindigan ko yung hindi na uli ako sasawsaw sa anomang issue. Last issue na sasawsawan ko na to. Binabawi ko na talaga yung sorry ko,” sabi ni Rosales.
Disobedience to authority ang isa sa mga reklamo laban kay Awra dahil sa inasal nito at naging trato niya sa mga miyembro ng Makati City Police na umaresto sa kanya.