Makalipas ang dalawang dekada, muling mapapanood nang live sa GMA-7 si Anne Curtis.
Siya ang special guest sa Fast Talk with Boy Abunda bukas, July 11, 2023.
Labindalawang taong gulang pa lamang ang edad ni Anne nang magsimula ang kanyang television career sa GMA-7 noong 1997.
Kasama siya sa cast ng Ikaw Na Sana, ang romance-drama series na pinagbidahan ng sikat na ‘90’s love team nina Bobby Andrews at Angelu de Leon.
Ilan pa sa mga naging programa ni Anne sa GMA-7 ay T.G.I.S., Beh Bote Nga, Anna Karenina, Idol Ko Si Kap, at Ang Iibigin ay Ikaw.
Ang 2003 drama anthology na Love to Love ang huling proyekto ni Anne sa GMA-7, bago siya lumipat sa ABS-CBN at naging Kapamilya actress hanggang sa kasalukuyan.
Nagkaroon ng katuparan ang muling paglabas ni Anne sa kanyang original home network nang magsimulang ipalabas sa GTV ang It’s Showtime, ang noontime program ng ABS-CBN, noong July 1.
Read: Vice Ganda on 'It’s Showtime' airing on GTV: “Pinakamatinding plot twist ng taon.”
Ang GTV ang subsidiary network ng GMA 7 at ang naturang television station ang bagong tahanan ng It’s Showtime nang matapos ang kontrata nito sa TV5 noong June 30, 2023.
Isang mainit na pagsalubong at sorpresa ang naghihintay kay Anne sa pagbabalik niya sa GMA-7.
Malaki ang posibilidad na hindi ang guesting ni Anne sa Fast Talk with Boy Abunda ang kanyang una at huling paglabas sa mga programa ng GMA-7 at pagtuntong sa bakuran ng dating tahanan niya dahil, sa kasalukuyan, nakahinto ang network war sa pagitan ng Kapamilya Network at Kapuso station.
Read: GMA-7, ABS-CBN sign historic deal for 'It's Showtime' airing on GTV