For The Love ang pamagat ng bagong TV program ni Pops Fernandez na mapapanood ito tuwing Linggo sa TV5, simula sa July 23, 2023.
Isang romance anthology series ang For The Love, na joint venture ng TV5 at ng Viva Television, at hinu-host ni Pops.
Malapit sa puso ni Pops ang konsepto ng kanyang bagong TV show dahil mula sa mga sikat na OPM song ang pamagat at kuwento ng bawat kabanata.
Bukod sa pagpapakilala sa featured songs, aawitin ni Pops ang ilan sa mga linya ng kanta kaya mapakikinabangan niya nang husto sa For The Love ang kanyang pagiging mang-aawit.
Sa katapusan ng programa, ibabahagi ni Pops ang mga saloobin niya tungkol sa ipinalabas na kabanata na magpapamalas ng kanyang pagpapahalaga sa salitang pag-ibig.
“Excited na po kaming makasama kayo sa mga nakakakilig na love stories of this generation.
“Handa na kaming mag-share ng heartwarming love stories at memorable hugot love songs na paniguradong magpapakilig at magbibigay ng inspiration sa ating lahat.
“So happy to be surrounded with these young and talented artists in today’s generation. I am so excited for this," reaksiyon ni Pops tungkol sa kanyang bagong programa.
Read: Pops Fernandez, nagbago ang isip magretiro dahil sa concert kasama sina Kuh at Jaya
Mga direktor ng kasalukuyang henerasyon ang pinili para mamahala sa iba’t ibang mga episode ng For The Love—sina Jason Paul Laxamana, Gino Santos, Ice Idanan, Joel Ferrer, Dustin Celestino, Alpha Habon, at Easy Ferrer.
Ang love team nina Marco Gallo at Heaven Peralejo ang mga bida sa "Kahit Kailan," ang pilot episode ng For The Love sa darating na Linggo, July 23.
Read: Marco Gallo at Heaven Peralejo, may something?
Ang "Kahit Kailan" ang kantang pinasikat ng South Border noong 1996.
Gagampanan nina Marco at Heaven ang mga karakter nina Ken at Jian na palaging nagtatagpo sa mga lugar na hindi nila inaasahan pero malungkot ang kuwento ng kanilang pagmamahalan.