Imbes na masaktan, ikinatuwa ni Patricia Javier ang bansag sa kanya na stage mother dahil siya ang kasama sa lahat ng mga modeling at Mister Teen International activities ng anak niya na si Robert Douglas Walcher IV.
"I am very proud to be called a stage mother because as parents, it’s our obligation to guide our children so they would become a good and responsible citizen of our community," katwiran ni Patricia.
Muli siyang nakita na kasama ng kanyang anak sa modeling stint nito sa Vietnam International Junior Fashion Week, na ginanap noong August 5, 2023 sa Hanoi, Vietnam.
Ipinagtapat ni Patricia na siya ang "mommy-ger” ni Robert, pero hindi niya tinatanggap ang lahat ng mga nakatutukso na alok na proyekto dahil ang pag-aaral ng kanyang anak ang kanilang priority.
"Robert is enjoying his runway gigs because he meets a lot of people. At the same time, nakakapunta siya sa iba’t ibang bansa.
"May mga offer sa kanya na modeling jobs sa Singapore, Vietnam at Thailand pero tinanggihan namin.
"Studying is his priority, magsisimula na kasi ang face-to-face classes nila ng kanyang kapatid na si Ryan.
"Mas mahalaga sa amin na magkaroon sila ng good foundation sa pamamagitan ng edukasyon,” ang lahad ni Patricia.
Hindi raw siya magugulat kung sakaling pumasok sa showbiz ang kanyang mga anak dahil ito rin ang propesyon niya.
"Excited ako na i-guide ang mga anak ko sa kanilang mga future career, at thankful ako sa pagkakaroon ng very supportive partner, ang husband ko na si Dr. Rob," ang sabi ni Patricia.
Ayon kay Patricia, mababait at masunurin ang kanyang mga anak.
Ipinagdarasal niya na makatagpo ng mga kaibigan na magiging mabuting impluwensya sa kanilang buhay at pamumuhay.