Unang nagpaliwanag si Miss Universe Organization owner Anne Jakrajtatip noong Huwebes, August 31, 2023, tungkol sa 3.36 billion baht na pagkakautang ng kompanya niya, ang JKN Global Group, para hindi maalarma ang kanyang mga investor o ang mga namumuhunan.
Sinabi ni Anne na magbabayad siya ngayong Biyernes, September 1, 2023. Tiniyak din niyang may sapat na pondo siya.
Read: Miss Universe Organization owner Anne Jakrujatatip faces debt problem
Sa pangalawang live broadcast niya sa YouTube channel ng JKN Global Group ngayong Biyernes, September 1, kinumpirma ni Anne na binayaran na nito ang 25 percent ng pagkakautang ng kanyang kompanya.
Iginiit ni Anne na minabuti niyang magsalita muli tungkol sa kontrobersiyal na isyu dahil, para sa kanya, walang problema.
Isa-isang binanggit ni Anne ang mga local at international business niya para malaman ng publiko ang kanyang network dahil sa dalawampu’t limang taong pagnenegosyo, hindi pa siya nagkaroon ng problema sa mga bangko.
Ibinida ni Anne na sa Miss Universe pa lang, 100 million baht na ang kanyang kinita. May sapat na pera raw siya para sa mga negosyo kaya maayos ang “liquidity” ng kompanya niya.
Idinagdag ni Anne na ang mga bangko ang nagkaroon ng problema sa liquidity dahil kumikita ang mga investor ng JKN Global Group.
Ubo nang ubo si Anne dahil sa dami umano ng kanyang mga sinasabi. Pero ni minsan, hindi siya nagsalita ng "Excuse me po," na nakagawian ng pumanaw na broadcaster na si Mike Enriquez dahil parte iyon ng good manners at right conduct.
Maituturing na crisis PR ang dalawang beses na live broadcast ni Anne. Paulit-ulit siyang nagpaliwanag para mabawasan ang pangamba ng mga investor ng kanyang kompanya.
Pero kung tutuusin, siya rin ang may pagkakamali sa pagbagsak ng shares ng JKN Global Group.
Nagsimula ang problema ni Anne nang aminin nitong hindi mababayaran ng kompanya niya ang 609 million baht (984,631,200 sa Philippine currency) debentures, ang una sa pitong tranches ng kanyang mga pagkakautang.
Bumagsak ang shares ng JKN Global Group Plc (JKN) noong Huwebes matapos ang pag-amin ni Anne na hindi nagpatinag dahil ipinagmalaki pa nitong makakabayad siya sa kanyang mga obligasyon sa pananalapi.