Ang mga dating kapwa radio DJs na sina Joey de Leon at Danee Samonte, aka Steve O’Neal, ang dalawa sa mga malalapit na kaibigan at “travel buddies” ng pumanaw na broadcast journalist na si Mike Enriquez.
Read: Veteran broadcaster Mike Enriquez dies at 71

Joey, Danee, and Mike in Petra, Jordan
Tatlong araw na ang nakalilipas mula nang namayapa si Mike, at ang mensahe ng pamamaalam ni Joey sa kanya ang hinihintay ng mga taong alam na malapit sila sa isa’t isa.
Nauna nang magbigay ng pahayag ang asawa ni Joey na si Eileen Macapagal tungkol sa pagkawala ng kanilang kaibigan.
Nagbitaw si Eileen ng pangako kay Mike na wala itong dapat ipag-alala dahil palagi nilang ipapasyal ni Joey si Lizabeth "Baby” Enriquez, ang biyuda ng sumakabilang-buhay na broadcast personality.
“So blessed to have known such a wonderful man! Rest in God’s loving embrace Mike.
"Ipapasyal at ila-lunch namin si Lizabeth Enriquez, don’t worry! Goodbye for now! Pray for us!” Facebook post ni Eileen.
Noong 2014, magkakasamang nagpunta sa Holy Land sina Joey, Mike, at Danee, kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.
Dokumentado ang dalawang linggong pagbisita ng tatlo sa Holy Land dahil ginawa itong Holy Week television special. Sila ang mga host sa TV special na may pamagat na Banal Na Paglalakbay na ipinalabas sa GMA-7 noong April 14, 2014.

Joey, Danee, and Mike in River Jordan
Isang "tunay na tao" ang pagsasalarawan ni Joey sa ugali ni Mike na nakita niyang napaiyak nang dumalo sila sa misa.
Seminarista si Mike noong high school student siya dahil pangarap niyang maging pari. Pero tutol ang kanyang mga magulang, lolo at lola, kaya hindi nangyari.
Ikinuwento ni Mike na laki ito sa simbahan, miyembro ng choir, at malapit siya sa mga pari.
Ang hindi pagpayag ng mga magulang niyang maging pari siya ang isa sa mga itinuturing ni Mike na pinakamalungkot na bahagi ng kanyang kabataan.
Tinanggap ni Mike na maaaring hindi itinakda ng Diyos na maging alagad siya ng simbahan, pero ito ang sanhi kaya gusto niyang mapaluha kapag nakakakita ng mga pari dahil hindi nga natupad ang kanyang pangarap.