"Nanapaw, pabibo, at ginawang concert ang burol ni Mike" ang ilan sa masasakit na paratang ng netizens laban kay Jessica Villarubin.
Kaugnay ito ng madamdaming pagbirit na pagkanta nito ng "Lead Me Lord" sa GMA Night special tribute para sa pumanaw na broadcast journalist na si Mike Enriquez.
Ginanap iyon noong Biyernes, September 1, 2023, sa Christ The King Parish sa Greenmeadows, Quezon City.
Kasama ni Jessica sa pag-awit ang Queendom members na sina Julie Anne San Jose, Rita Daniela, Thea Astley, Hannah Precillas, at Mariane Osabel.
Pero si Jessica ang napansin nang husto dahil sa kanyang bigay na bigay na pagkanta kaya siya ay nasa popular search at trending ngayon sa social media.
Si Jessica ang grand champion ng Season 3 ng The Clash, ang reality talent competition program ng GMA-7.
Napanood ni Ai-Ai delas Alas ang pinag-uusapan na pag-awit ng Queendom sa "Lead Me Lord," at para sa kanya, walang masama sa ginawa ni Jessica.
Tingin din ni Ai-Ai, hindi raw intensyon ni Jessica na sapawan ang ibang mga kasama.
"Ano ba ang gusto ng mga tao na klase ng pagkanta ni Jessica?" ang nagtataka na tanong ni Ai-Ai, na kilalang-kilala si Jessica dahil isa siya sa mga hurado mula Season 1 hanggang sa Season 5 ng The Clash.
"Kawawa naman si Jessica. Wala siyang kamalay-malay sa mundo. Mabait siya, tawa lang nang tawa at walang kayabang-yabang sa katawan.
"Ang pagkakakilala ko sa kanya, ginalingan niya ang pagkanta para kay Mr. Mike Enriquez, hindi para magpabida.
"Ganyan naman siya palaging mag-perform. Parati niyang ginagalingan," depensa ni Ai-Ai, na nalungkot sa mga nababasa niya na mga batikos ng netizens tungkol kay Jessica.
Eksklusibong nakausap ng Cabinet Files si Ai-Ai ngayong Linggo ng hapon (September 3, Linggo nang madaling-araw sa California) dahil hindi pa siya dinadalaw ng antok pagkatapos ng Ang Dating Kami, ang matagumpay na concert nila ni Miguel Vera sa Chabot College Performing Arts Center, Hayward, California.
"Mataas pa ang energy ko. Hindi pa ako makatulog kahit masakit ang lalamunan at mga paa ko.
"Sumakit ang mga paa ko dahil hindi talaga ako sanay magsuot ng sapatos na mataas ang takong," ang sabi ni Ai-Ai.
Hindi siya makatulog kaya nakita niya sa social media ang mga masasakit na akusasyon at paghuhusga laban kay Jessica.
Related stories:
- Mel Tiangco speaks about Mike Enriquez's devotion to his wife Baby
- Veteran broadcaster Mike Enriquez dies at 71
- Mel Tiangco, may ibinuko tungkol kay Mike Enriquez
- Queendom naghandog ng tribute song kay Mike Enriquez
- '24 Oras' pays tribute to Mike Enriquez's 54-year broadcasting career
- 'TV Patrol' anchors mourn passing of '24 Oras' anchor Mike Enriquez