"Wow!" ang reaksiyon ni Yassi Pressman nang marinig nito ang mga papuri sa kanya ni Ruru Madrid sa press conference ng Video City na naganap sa Viva Café, Quezon City, ngayong Martes ng hapon, September 5, 2023.
Read: Yassi Pressman at Ruru Madrid, magtatambal sa pelikula
Ang Video City ang period movie ng GMA Pictures at Viva Films na pinagbibidahan nina Ruru at Yassi. Ipalalabas ito sa mga sinehan sa September 20, 2023.
Hindi ito ang unang pagkakataong nagkasama sina Ruru at Yassi. Una silang nagkatrabaho sa Dormitoryo, ang drama series ng GMA-7 na unang umere noong September 22, 2013.

Si Ruru ang nagkuwento tungkol sa pagsasama nila ni Yassi sa isang proyekto, sampung taon na ang nakararaan.
Lahad ng Kapuso actor, “Working with Yassi, I didn’t expect na ganito po yung magiging samahan namin, yung friendship namin.
"I worked with her ten years ago sa GMA-7, yung Dormitoryo.
“And then, matagal kaming hindi nagkita, pero lagi ko pa rin siyang napapanood sa mga pelikulang ginagawa niya. And I’m very, very proud sa kanyang achievements in life.
“And finally, nagka-work kami, ganoon pa rin. Siya pa rin yung Yassi na nakilala ko dati. Siya pa rin yung Yassi na nagbibigay ng liwanag sa lahat.
“Na para bang kapag nandiyan siya, masaya lahat.
"Very talented, very generous hindi lang sa pagkain na ibinibigay niya sa set kundi sa emosyon na ibinibigay niya sa bawat eksena na ginagawa namin.
"I’m very lucky na finally nakatrabaho ko ulit si Yassi," papuri ni Ruru kay Yassi na nagpangiti sa kanyang leading lady sa Video City.
Malaki ang kontribusyon ng direktor ng Video City na si Rayn Brizuela kaya lumitaw ang natural chemistry nina Yassi at Ruru.
Saad ni Ruru, “Malaking factor ang direksiyon ni Direk Rayn dahil hindi siya yung tipo ng ‘Dapat magpakilig.'
“Yung tiwala niya sa amin at kaming mga aktor, dun kami mas nagkakaroon ng confidence sa sarili dahil ibinibigay niya yung tiwala sa amin.
“Hindi kami hard sell, like, puso kami kung magtrabaho. Hindi yung tipong pinaplano namin kung ano yung dapat naming gawin.
“Mas more on puso. Mas dun kami sa tiwala namin sa isa’t isa dahil sa first time pa lang na ginawa namin yung look test, tinginan pa lang, naramdaman agad namin yung koneksiyon.
“Naramdaman namin agad na, 'Okay, magtutulungan tayo' sa buong direksiyon ng pag-shoot namin."
Dagdag pa ng aktor, “I don’t know, for some reason, nararamdaman namin yung tiwala, yung koneksiyon sa bawat eksenang ginagawa namin.
“Parang never siyang nawala. I guess, yung chemistry, dun siya nabubuo. Mas ibinibigay namin yung dapat ibigay sa bawat eksena.”
Magkapareha rin sina Ruru at Yassi sa Black Rider, ang upcoming primetime series ng GMA-7.
Read: Yassi Pressman, tuloy na ang pagbabalik-Kapuso; leading lady ni Ruru Madrid sa 'Black Rider'