Malaki pa ang problema ng buong mundo sa coronavirus pandemic noong September 2021 kaya taos-puso ang pasasalamat ni Regal Entertainment Inc. President Roselle Monteverde dahil tinangkilik ng manonood sa telebisyon ang Regal Studio Presents, ang drama anthology na natutunghayan sa GMA-7 tuwing Linggo nang hapon.
Dalawang taon na ang nakalilipas buhat nang ipalabas sa Kapuso Network noong September 11, 2021 ang "That Thin Line Between," ang kauna-unahang episode ng Regal Studio Presents na pinagbidahan nina Sanya Lopez at Ken Chan.
Mula noon hanggang ngayon, patuloy na sinusubaybayan ng publiko ang Regal Studio Presents kaya natutuwa si Roselle sa natatanggap na suporta ng programa na mataas ang ratings at marami ang mga natutulungan na manggagawa sa industriya ng telebisyon.
“Natuwa nga ako dahil marami ang naging excited to contribute because no one was really working during the pandemic. So when I was given the opportunity to create a show, Sunday slot on GMA-7, I grabbed it right away,” ang umpisang pahayag ni Roselle sa ekslusibong pakikipag-usap sa kanya ng Cabinet Files ngayong Sabado nang umaga, Setyembre 23, 2023.
“In my mind during the time na pandemic pa, parang they needed a job, ang production staff, mga direktor, writers, at mga artista kaya it was really a blessing.
“Marami ang nag-contribute like senior writers. They were able to mentor younger writers, like si Joey Reyes, naging mentor siya ng maraming writers for this show.
“Ang daming magagaling na na-discover not only sa writers, pati sa mga direktor,” kuwento ni Roselle na hands-on ang pag-aasikaso sa Regal Studio Presents dahil tumutulong siya sa pagpili ng mga artista na magbibida sa bawat episodes at binabasa niya ang lahat ng mga script.
“Yes, binabasa ko. Dapat naman because before they write the script, nakakonsepto na ang buong season. Kumbaga, timplado na kasi one season is thirteen episodes.
“Sa pagpili ng mga artista, I should be able to tap mga Sparkle talent."
Ang Sparkle ang talent management arm ng GMA Network Inc.
“Ang initial usapan naman was to be able to tap the young and new breed of Sparkle talents. At the same time, combining them with Regal contract artists.”
May favorite episodes ba siya sa Regal Studio Presents?
“Naku, ang dami. Sucker din kasi ako for heart-warming stories, napapaiyak ka, napapatawa ka. Maraming episodes na ganyan at marami rin akong na-discover na magagaling na artista,” sagot ni Roselle.
Bukas din ang Regal producer sa ideya na isalin sa pelikula ang mga magagandang kabanata ng show.
“Limited ang characters sa Regal Studio Presents. Nagkukuwento kami ng istorya na 27-minutes lang. Hindi puwedeng pangmalakihan pero may konsepto na puwede naming i-adapt, gawin na pelikula.
“Like yung episode bukas, moving on ang tema dahil yung lead character na ginagampanan ni Lianne Valentin, parang she’s still living in the world na buhay pa yung kanyang asawa.
“Magaling si Lianne Valentin, pati ang leading man niya na si Royce Cabrera. Si Crisanto Aquino ang direktor.”
"I Love You, Bien" ang pamagat ng episode na tinutukoy ni Roselle at mapapanood bukas, Linggo, 4:15 pm sa GMA-7.
Ang "I Love You, Bien" ang bahagi ng second anniversary presentation at Season 9 ng drama anthology na co-production venture ng Regal Entertainment Inc. at GMA-7.