"Woman of the hour" ang broadcast journalist na si Ces Drilon dahil nagawa nitong patawanin ang publiko sa gitna ng mga nakakapanlumong isyu.
Katulad ng higit na nakatatawang pangangatwiran ng nakuhanan ng cctv na female screening officer sa Ninoy Aquino International Airport. Katuwiran nito, tsokolate at hindi ang nawawalang US$300 mula sa isang pasahero ang nilunok niya.
Nakakapanlumo rin ang hindi matiyak ng mga kinauukulan kung polusyon o volcanic smog ng Taal Volcano ang dahilan ng pagkulimlim ng kalangitan sa Metro Manila kahapon, Biyernes, September 22, 2023.
Sa commercial ad ni Ces para sa isang beverage product, marami ang natawa at hindi lamang basta napangiti.
Dahil nakita ng mga Pilipino ang sarili nila sa mga insidente na ipinakita sa commercial na nangyayari talaga sa tunay na buhay at nagbibigay ng stress.
Katulad ng pag-inom ni Ces ng kape na asin ang nailagay imbes na asukal, ang pagpasok sa trabaho sa araw ng pahinga, ang pagdadala niya ng payong sa hindi inaasahang pagbagsak ng ulan pero natalsikan naman siya ng tubig ng sasakyan na mabilis na tumatakbo, at nakaapak pa ng dumi ng aso habang naglalakad sa kalsada.
Stress Drilon mula sa pangalan ni Ces at Hagardo Verzosa na galing naman sa pangalan ni Gardo Verzosa ang dalawa sa mga gay lingo na inimbento ng mga Pinoy sa pagsasalarawan sa mga problema o isyu na naghahatid ng stress at fatigue.
Buong husay na nagampanan ni Ces ang karakter ng isang tao na sunud-sunod ang dinanas na stress dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari.
Ibang Ces ang mapapanood sa beverage ad dahil nagmumura siya sa sobrang galit pero naka-bleep na malayung-malayo sa kanyang pinagpipitagan at prim and proper na imahe.
Naghahatid ng saya at good vibes ang Stress Drilon ad na hindi nakasasawang panoorin kaya nagustuhan at nakapagpatawa rin kina Korina Sanchez, Karen Davila, Zsa Zsa Padilla, Sandy Andolong, Kim Atienza, at sa maraming personalidad mula sa mundo na ginagalawan ni Ces.

“Masaya ako na napasaya ko kayo sa aking pinagdaanang Stress Drilon,” ang mensahe ni Ces para sa lahat ng mga natuwa sa out- of- the box character niya sa brilliant ad ng kanyang product endorsement.
Si Ranvel Rufino ang manager ni Ces at nagpapasalamat siya sa kanyang talent dahil tinanggap nito ang hamon na bigyang-buhay ang karakter na katakot-takot na stress ang pinagdaanan.

“Extremely proud of this! Galing-galing my alaga. Thank you for trusting me on this one,” ang reaksyon ni Ranvel sa mga papuri na natatanggap ng tandem nila ni Ces.
Sa pakikipag-usap ng Cabinet Files kay Ranvel ngayong Sabado nang tanghali, Setyembre 23, dalawa ang dahilan na kanyang sinabi kaya tinanggap ni Ces ang proyekto.
“Number one, because her family really does love the product and number two, what a team to work with,” ani Ranvel na hindi lamang si Ces ang alaga dahil talent at business manager din siya ni Enrique Gil.