Nag-iisang anak si Jerald Napoles ng kanyang mga magulang, pero bata pa lang siya nang maghiwalay ang ama at ina niya.
Sariwang-sariwa pa sa isip ni Jerald nang ipatawag ng guro nito sa paaralan ang kanyang ina dahil sa isang maselang isyu.
Pagbabahagi niya sa Cabinet Files, “Wala pa akong muwang, hindi na sila magkasama ng tatay ko. Ganoon na sila katagal hiwalay.
"Noong matuto akong magbasa at magsulat, nakita ng nanay ko na, ‘Ah, nakakaintindi na itong si Jerald.’
“Sinabi na niya sa akin na, ‘Hiwalay kami ng tatay mo pero huwag kang magtatanim ng galit sa tatay mo. Kung anuman yung relasyon namin, labas ka roon. Basta tatay mo siya.’
“Kaya nung nag-kindergarten ako, ipinatawag yung nanay ko ng adviser ko kasi meron sa class na, 'Talk about your parents. Talk about your family.'
“Hindi ako na-orient. Ang alam ko lang, I have to be honest kasi I have to talk about my family.
"In front of the class, sinabi ko, ‘Ako po si Jerald Napoles. Ang nanay ko po ay si Tess at ang papa ko po ay si Nestor, hiwalay po sila! Ang papa ko po, may pamilyang sarili. Ako po ay lumaki sa nanay ko.’
“Ipinatawag ang nanay ko, nag-alala yung teacher ko.
"Sabi ng nanay ko, ‘Wala po akong alam na ibang sasabihin sa anak ko. Mas maganda na po yung malaman niya yung totoo kesa magpanggap ako na ang tatay niya ay somewhere.’
“Nakatulong po yon sa akin para maintindihan ang sitwasyon ng nanay ko habang lumalaki ako.”
Read: Jerald Napoles, may malaking sorpresa para sa kanyang ina
SACRIFICES OF A MOTHER
Hinding-hindi rin nalilimutan ang mga sakripisyong ginawa ng kanyang ina para buhayin siya at mabigyan ng magandang kinabukasan.
Saad ni Jerald, “Ang nanay ko po, walang regular na trabaho. Hindi ako naghahanap sa nanay ko ng ekstrang oras.
"Hindi ako naghahanap ng ekstrang pag-aaruga. Hindi ako naghahanap ng financial na suporta.
“Kung ano yung kaya niya, yun lang. Nakatulong yon sa akin.
"Minsan, wala siya. Naghahanap ng trabaho."
Lahad pa niya, “Lumaki ako sa lolo at lola ko. Nakatira po kami sa poder nila.
“During the trying times, nakita ko na naghahanap ang nanay ko... Nararamdaman mo pero hindi ipinapakita sa yo na naghahanap siya ng tulong at suporta na hindi naman niya masabi sa yo dahil ten years old ka lang.
“Nagtrabaho siya bilang manikurista, nagtinda ng tela sa Divisoria, nag-floor manager, nagtinda ng unan sa Divisoria, nag-tutor siya sa kindergarten, nag-yaya sa bata, nag-tour guide. Yan ang mga trabaho ng nanay ko."

Hindi na rin daw napagtuunan ng pansin ng kanyang ina ang pakikipagrelasyon dahil kay Jerald.
Lahad ng aktor, “Hindi na siya nakipagrelasyon pero naabutan ko yung mga boyfriend-boyfriend.
“There was a time, nagkaroon siya ng boyfriend. Ikinuwento ng nanay ko verbatim, I was twelve years old.
“Sabi niya sa akin, 'There was a time na niyaya ako ng boyfriend ko to go away and leave you.’
“Gagawa muna sila ng sariling buhay, babalikan na lang ako sa lolo at lola ko kapag okay na sila.
“Pinili ako ng mama ko kaya naghiwalay sila ng boyfriend niya.
"Hindi ko pinakialaman ang desisyon niya pero naintindihan ko na ginawa niya yon para sa akin at tumatak yon sa akin.”
Read: Jerald Napoles, saludo sa paniniwala ni Kim Molina na di dapat maging problema ang pera sa relasyon
JERALD'S RELATIONSHIP WITH HIS FATHER
Kumusta ang relasyon mo ngayon sa tatay mo?
“Okay naman po," sagot ni Jerald.
"Walang pangit sa relasyon namin. Hindi lang po kami madalas magkaroon ng chance para magkita at magkasama kasi may sarili na siyang pamilya.
"May mga kapatid ako sa kanya pero malayo ang agwat ng edad ko sa kanila, twenty years.
“Seaman pa yung tatay ko. Six months sa barko at kapag nandito, saka lang may chance na magkita kung may panahon siya.
"Yun lang ang relasyon namin pero emotionally deeper than that, I think hindi namin masyadong na-dig yung idea.
“Wala akong sama ng loob sa kanya kasi wala rin akong in-expect kaya sobra-sobra yung pagpapahalaga ko sa nanay ko. Siya yung nakikita ko na nanay at tatay ko.
“Pero inaamin ko, dahil lumaki ako sa Tondo at hindi kami pinagpala sa pinansiyal na buhay, inisip ko noon na siguro kung may tatay ako at kumpleto ang pamilya ko, baka mas maganda yung buhay namin ngayon.”
May nararamdaman ka bang pagmamahal sa tatay mo?
“Meron po. Especially ngayon na tumatanda ako, kahit papaano, tatay ko siya. Hindi naman niya ipinadama sa akin na hindi niya ako anak.
“Alam ko rin na pagtanda niya, kakailanganin din niya ako bilang anak so ready naman ako.
“Sa tingin ko, proud naman siya sa akin. Ang nanay ko, palabiro, pero ang tatay ko talaga yung joker,” pahayag ni Jerald tungkol sa kanyang ama.
Postscript: Nakausap ng Cabinet Files si Jerald sa intimate press conference ng Instant Daddy nitong Huwebes ng hapon, Oktubre 5, 2023.
Napag-usapan ang relasyon ni Jerald sa mga magulang niya dahil may mga eksena sa Instant Daddy na maihahalintulad sa mga nangyari noon sa kanyang personal na buhay.
Mapapanood sa mga sinehan ang Instant Daddy simula sa Oktubre 11, 2023.