Nagkaroon ng pag-uusap si Willie Revillame at sina Presidential Communications Secretary Atty. Cheloy Garafil at Undersecretary for Traditional Media and External Affairs Honey Rose Mercado nitong Martes ng hapon, Oktubre 10, 2023.
Naganap ang pagpupulong ng tatlo sa Presidential Communications Office (PCO) sa Malacañang Palace.
Ayon sa source ng Cabinet Files, tumagal ng halos tatlong oras ang pag-uusap nina Willie, Garafil, at Mercado.
Nakasalamuha rin ni Willie ang social media team ng PCO, pero walang nagbigay ng impormasyon tungkol sa naging paksa ng pag-uusap ng Wowowin host at ng mga opisyal ng mga nabanggit na government agency.
May mga haka-hakang maaaring may kinalaman ang napapabalitang paglipat ni Willie sa government-owned television network na PTV-4 sa pagpapatawag sa kanya ni Garafil.
Read: 'Wowowin' ni Willie Revillame, malapit nang mapanood sa PTV-4 at IBC 13
May mga espekulasyon ding may iba pa silang napag-usapan dahil sa teaser na lumabas sa Wowowin official page na: “Abangan! Para sa mga Pilipino, Para sa Pilipinas!"

Sa hindi maipaliwanag na dahilan, madalas lumilitaw ang pangalan ni Willie sa mga survey para sa senatorial bets sa mid-term elections sa 2025 kaya may mga nag-iisip na baka makumbinsi siyang kumandidato.
Noong nakaraang buwan, lumabas naman ang balitang posibleng bumalik sa PTV-4 ang Wowowin sa Oktubre 2, 2023.
Pero iginiit ng network general manager na si Anna Puod na “under negotiation” pa ang lahat.
Nakaraan na ang Oktubre 2 kaya malinaw na walang katotohanan ang kumalat na balita.
Isang mapagkakatiwalaang source ang nagsabi sa Cabinet Files na hindi nagmamadali si Willie sa pagbabalik-telebisyon. Kung mangyari man ito, maaaring sa susunod na taon pa dahil maraming bagay pa ang kanyang pinagkakaabalahan.