TRIGGER WARNING: War, Violence
Isang kababayan nating nagtatrabaho at naninirahan sa Tel Aviv, Israel, ang personal na nakausap ng Cabinet Files tungkol sa giyerang nangyayari sa kanyang kinaroroonan.
Hindi na namin babanggitin ang kanyang pangalan alang-alang sa kaligtasan nila ng pamilya niya.
Read: (UPDATED) Julie Anne San Jose, Rayver Cruz, Boobay pabalik na sa Pilipinas mula Israel
Ayon sa ating kababayan, pinagbabawalan silang lumabas mula sa kanilang mga tahanan kaya sarado ang lahat ng mga business establishment buhat nang lumusob at maghasik ng lagim sa Israel ang Hamas militants na kumitil ng maraming buhay, kabilang ang mga inosenteng bata.
“Ako lang po ang lumalabas dahil namimili ako ng mga pang-stock [pagkain at tubig]. At yung mga single mom, ako na rin ang tumutulong sa pagbili ng mga kailangan nila.
“Sarado po lahat ngayon, pati ang pinagtatrabahuan ko.
"May isang manager kami na pinatay,” kuwento ng ating kababayan.
Nagbahagi rin siya ng mga nakakakilabot na larawan ng mga biktima na pinatay ng Hamas militants, ngunit minabuti naming huwag na itong ilabas bilang respeto sa mga biktima.
Idinagdag pa ng aming kausap na hindi umano nagkukulang ang awtoridad ng Israel sa pagbibigay sa kanila ng mga babala.
Kung sakaling lumala umano ang sitwasyon, lilipat sila sa bunker ng pamahalaan.
Nanawagan naman si Winston Santos, presidente ng National Alliance of Filipino Communities (NAFILCO) sa Israel, na maging mahinahon at huwag maniwala sa mga tsismis na walang basehan.
Bahagi ng pahayag niyang nai-post sa official Facebook page ng NAFILCO-Israel: “Let us stand with Israel. Mag-stock po tayo ng pagkain at maiinom, good for three days.
"This should not be a cause to panic. Paghahanda po lamang, just in case the situation escalates.
“Stay calm. Stay at home/workplace. Avoid chismis. Stock food and water.
"Pray for peace then you have done your share in solving the crisis at hand."
RACHEL EDRI
Samantala, balita sa buong mundo at itinuturing na bayani ang Israeli grandmother na si Rachel Edri.
Ipinagluto, pinakain, inasikaso, at nakipagbiruan si Rachel sa limang Hamas terrorists na nang-hostage sa kanya at sa asawa niyang si David sa loob ng dalawampung oras.
Naniniwala si Rachel na madaling magalit ang tao kapag gutom kaya ipinagluto at pinakain niya ang mga teroristang nagbantang papatayin siya at ang kanyang asawa.
Nagpaturo rin si Rachel ng pagsasalita ng Arabic sa mga hostage-taker na pinangakuan niyang tuturuan naman ng Hebrew habang hinihintay niyang mailigtas sila ng kanyang anak na pulis.

Rachel Edri
“I knew that if they are hungry, they are angry. I said, ‘I’ll teach you Hebrew and you’ll teach me Arabic.' I understood that it was a matter of life and death,” pahayag ni Rachel sa television interview sa kanya tungkol sa mga ginawa niya para malibang at huwag maging marahas ang Hamas militants na pinasok ang tahanan nila sa Ofakim, Israel.
Nagpanggap si Rachel na masakit ang ulo nang takpan niya ng limang daliri ang gilid ng kanyang mukha habang tinututukan siya ng baril ng teroristang may hawak na granada para imuwestra sa SWAT team na magliligtas sa kanila na lima ang bilang ng Hamas hostage-takers.
Sa tulong ng SWAT team at ng kanyang anak na pulis, napatay ang limang terorista at nailigtas nila sina Rachel at David nang walang anumang sugat sa katawan.