Hindi kasama sa opisyal na kalahok sa 49th Metro Manila Film Festival (MMFF) ang Shake, Rattle & Roll Extreme, ang horror anthology movie ng Regal Entertainment Inc.
Read: Six remaining MMFF 2023 official entries announced
Ikinagulat ni Regal producer Roselle Montevere ang mainit na pagtanggap ng publiko sa teaser ng Shake, Rattle & Roll Extreme, na umani agad ng five million views nang ilabas sa social media.
Nababasa ni Roselle ang lahat ng mga positibong komento, tulad ng hindi raw kumpleto ang MMFF kapag wala ang Shake, Rattle & Roll franchise.
“Surprising pati yung mga feedback. Ang daming netizens na nagsasabi na ine-expect nila na magiging official entry sa Metro Manila Film Festival ang Shake, Rattle & Roll Extreme.
“Nababasa ko ang lahat ng comments, over 5,000 sa Facebook lang yon. Marami rin sa YouTube at marami ang nagse-share ng teaser,” sabi ni Roselle nang makausap siya ng Cabinet Files ngayong Miyerkoles ng tanghali, October 17, 2023.
Unfortunately, hindi nga napili ang SRR Extreme sa 49th edition ng MMFF, pero may nakahanda na raw Plan B si Roselle.
Saad niya, “We hoped for the best, but MMFF is not only the reason why we produce movies. All year round naman, we produce.
“I am proud of the outcome ng Shake, Rattle & Roll Extreme. Actually, ayokong ma-burden sa deadlines dahil marami ang kailangang ayusin.
“Dati pa naman, may backup plan kami for this movie. Let’s say hindi pumasok sa MMFF, meron nang Plan B.”
MOVIE TICKET PRICES
Sinamantala namin ang pagkakataong hingin ang opinyon ni Roselle tungkol sa pagsugod ng mga tao sa mga sinehan ng SM Malls noong Linggo, Oktubre 15, dahil P65 lamang presyo ng mga ticket.
Nagdiwang ang SM ng 65th anniversary noong Linggo. Bilang pasasalamat sa kanilang mga tagatangkilik, sixty-five pesos lamang ang presyo ng tickets ng mga sinehan nila kaya dinumog ito ng publikong sinamantala ang pagkakataon.

“Marami ang nanood,” reaksiyon ni Roselle.
“Yan naman talaga ang sinasabi namin even before, we need to lower the price because when I was tracking the sales, it went down drastically when the prices of the tickets went up to three hundred pesos and then it became four hundred pesos.
“Parang it became very exclusive to people who can only afford.
"Ang kaso, we make movies for the general audience. Ang nangyari, konti na lang ang nanonood because of the ticket price na mahal.
“Presyo talaga ang problema. Early this year, nag-meeting kami ng PMPPA [Philippine Motion Picture Producers Association of the Philippines] at napag-usapan namin na i-try i-lower ang ticket prices to two hundred, one hundred fifty pesos.
“They tried nga daw as low sa fifty pesos. Sabi ko, 'Anong movies?' 'Yung mga luma.'
“Sabi ko, 'We can’t do that na titingnan natin sa lumang movies. Who would you even want to pay for something that’s luma?'
“Sabi ko, 'It’s always the right mix. When you do a marketing promo whatever, there should always be the right mix.'”
Nakikiayon si Roselle sa obserbasyon ng nakararami na malaki ang epekto sa industriya ng pelikulang Pilipino ng mataas na presyo ng tickets kaya mahirap hikayatin ang ating mga kababayan na bumalik sa panonood ng Tagalog films sa mga sinehan.