Sanggol na babae ang nakatakdang isilang ng aktres bago matapos ang 2023 at nalaman niya ang kasarian ng kanyang magiging anak nang sumailalim siya sa ultrasound scan.
Pilit na itinatago ng aktres ang kundisyon nito pero mahirap ilihim ang katotohanan sa mundo ng showbiz.
Noong hindi pa halata ang ipinagbubuntis ng aktres dahil hindi pa malaki ang kanyang tiyan, dumalo pa siya sa presscon at red carpet premiere ng pelikulang kinabibilangan niya.
Unconsciously, madalas na tinatakpan ng aktres ng mga kamay niya ang kanyang tiyan na napansin ng mga matatalas ang mata at mapaghinalang tao.
Tumanggap din ang aktres ng mga television guesting para walang magduda na buntis siya.
Higit sa lahat, ayaw ng aktres na malaman ng publiko ang kalagayan niya dahil sa katauhan ng aktor na ama ng kanyang dinadala.
Natatakot ang aktres na mahusgahan siya ng publiko na tutol sa pakikipagrelasyon niya sa aktor na hindi pa handa sa responsibilidad dahil nauugnay sa iba’t ibang mga babae.
Pero bukod sa kanyang inililihim na kalagayan, mas matindi ang sikreto na nalaman ng aktres tungkol sa aktor na kanyang karelasyon.
Imbes na masaktan at magalit sa aktor, natuwa at nakahinga nang maluwag ang aktres sa nakagigimbal na katotohanan ng kanyang natuklasan dahil nakamit niya ang pinakamimithing kapayapaan ng kalooban, emotionally, mentally, at physically.