Nakasentro sa mga karakter na ginagampanan ni Jerome Ponce at ng newcomer actress na si Krissha Viaje ang kuwento ng Safe Skies, Archer pero hindi isyu kina Heaven Peralejo at Marco Gallo ang pagsuporta sa kanila.
Ang Safe Skies, Archer ang screen adaptation ng best-selling novel ni Gwy Saludes at pangalawa sa kanyang university series book.
Ang The Rain in España ang una sa University series book ni Gwy at sina Heaven at Marco ang nagbida sa series na napanood sa streaming site na Viva One at sa TV5.
May sampung episodes ang Safe Skies, Archer at sa ginanap na press conference nito sa Viva Café noong Oktubre 20, 2023, dumalo sina Marco at Heaven bilang suporta kina Jerome at Krissha.
“We’re just very supportive with each other so they have our full support. Naging barkada rin naman kami through the show,” ang pahayag ni Heaven na masaya sa pagsuporta sa bini-build up na love team nina Jerome at Krissha.
Sinabi naman ni Marco na natuwa ito matapos mapanood ang trailer ng Safe Skies, Archer.
“After watching the trailer, I was really, really happy seeing the result. It feels like this is gonna be a saga and I always wanted to be part of a saga. I am so excited,” ang reaksyon ni Marco.
Nagpasalamat sina Jerome at Krissha sa suporta na ibinigay sa kanila hindi lamang nina Heaven at Jerome kundi pati ng buong cast ng The Rain in España.
Ang Safe Skies, Archer ang pinakamalaking proyekto na ipinagkatiwala kay Krissha na puring-puri si Jerome dahil sa pag-alalay sa kanya sa lahat ng mga eksena nila.
Ani Krissha, “It’s an honor, magaling talaga na aktor si Jerome. Hindi naman ako masyadong nahirapan.
“Nung chemistry test pa lang namin, hindi ako nahirapan na ibigay yung karakter ni Yanna. Madali lang talaga na makipagbatuhan ng lines kay Jerome. Parang natulungan pa niya ako, very generous actor.
“Nae-enjoy ko po yung company ni Jerome. Nagha-hang out kami para mas magkaroon kami ng connection. Marami po akong natutunan mula sa kanya every day.”
Nang tanungin kung may karelasyon siya sa kasalukuyan, ipinagtapat ni Krissha na naghiwalay na sila ng kanyang boyfriend.
“Single po ako ngayon. I just got out of a relationship, long distance relationship,” rebelasyon ni Krissha na tinukso dahil pareho ang sitwasyon nila ni Jerome.
“I am single,” ang nakangiting sabi ni Jerome na nagpakilig sa mga nakarinig sa kanyang binitiwang salita.
Umaasa si Jerome na magiging mahigit pa bilang on-screen partners ang pagsasama nila ni Krissha sa Safe Skies, Archer.
“Working with Krissha sobrang saya kasi talagang nabuhay niya yung karakter na galing sa libro. The fact na kababasa ko lang nung libro habang isinasa-tao ko yung karakter ni Hiro. Off-cam naman, okey na okey na kasama si Krissha.”