Para kay Matteo Guidicelli, isang napakalaking responsibilidad ang pagbibida niya sa Penduko dahil ito ang kanyang kauna-unahang pelikula na kalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
Read: MMFF 2023 Top 10 official entries: Pinaghalu-halong romance, drama, horror, comedy, fantasy, action
Inamin ni Matteo ang nararamdamang pressure, lalo na kapag sinasabi ng maraming tao na ang Penduko ang tiyak na magiging topgrosser sa MMFF 2023 dahil ito ang pelikulang panonoorin ng mga bata.
Saad niya, “It’s very overwhelming. It’s a big responsibility and I call it, 'Justice is coming on December 25.'
“Unang-una, kinakabahan ako dahil first MMFF movie ko. There’s so much pressure.
“Physically, I prepared my physique months before this movie happened. I came from America, I gained weight.
"So, before shooting this film, I lost twenty pounds.
“We designed a proper fitness regimen. I started doing cross fit for two months and after that, I started running a lot para lumiit ako bigla."
Kinuha rin daw ni Matteo ang tulong ng character actress na si Ruby Ruiz para maging acting coach niya.
“I requested Tita Ruby Ruiz na maging acting coach ko kasi may relationship na kami. She used to be my acting coach.
“Nag-training po kami mga three to four weeks bago pumunta sa set. Gusto ko talaga, handa tayo bago pumasok.
“I came into this knowing na talagang malalim na Tagalog ang gagawin namin. Matinding mga fight scene at matinding dramahan.
“Sabi ko talaga sa aming producer, I want to be prepared before I step on the set, not just physically but also acting-wise.
“My goal was kapag darating ako sa set ng Penduko, I want to be free. Hindi ko na po iisipin yung mga linya at yung mga mangyayari. Gusto ko mag-react lang sa co-stars ko.'
"Sobrang pressure po ito. Sabi ko, I’d like to be hundred percent prepared."
Nakausap ng entertainment press si Matteo sa media conference ng Penduko nitong Martes ng hapon, October 24, 2023, sa Viva Café.
Nang hingin ang kanyang reaksiyon tungkol sa posibilidad na ang Penduko ang mangunguna sa takilya sa sampung opisyal na kalahok sa 49th MMFF, sinabi ni Matteo na mas mahalaga sa kanyang makagawa ng isang magandang pelikula at maipakita sa buong mundo ang mayamang kultura ng Pilipinas mula sa folklore hanggang sa Filipino martial arts.
Ang trabaho ni Matteo bilang co-host ng Unang Hirit, ang early morning program ng GMA-7, ang isa sa mga isinakripisyo niya nang mag-umpisa ang shooting ng Penduko.
Kakasabay pa nito ang taping niya para sa Black Rider, ang primetime drama-action series ng Kapuso Network na mapapanood simula sa Nobyembre 6, 2023.
Read: Matteo Guidicelli, nagsimula nang mag-shooting para sa ‘Penduko’
Sa tanong kung natutulog pa siya dahil sa dami ng kanyang mga ginagawa, tinawag ni Matteo ang handler niyang si Chac Tarnate, pinatayo at hiniling sa mga taong pumalakpak.
Sabi ni Matteo, “Palakpakan po natin si Chac, siya po ang handler ko at nag-aayos ng schedule ko.
"Ini-stress ko siya palagi. Sabi ko, ‘Chac, kailangan six to seven hours ang tulog ko bago ako magtrabaho.’
“Siyempre po, yung priority ko kasi sa buhay ngayon, bilang isang asawa. I want to be there for my wife all the time and after that, work comes in.
“We really plot our schedules properly.
"Nag-break muna ako sa Unang Hirit ng one month dahil medyo maaga masyado. Itinigil muna natin ang Unang Hirit, one month lang pagkatapos babalik na ako,”
Read: Matteo Guidicelli, nagsimula na bilang co-host ng ‘Unang Hirit’