Ang pagkakaroon ng patung-patong na trabaho ang dahilan kaya sandaling-sandali lamang si Matteo Guidicelli sa grand media conference ng Black Rider na ginanap sa GMA Network Studio 6 noong nakaraang Biyernes, Oktubre 27, 2023.
Sa kabila ng kanyang busy schedule, nagpakita si Matteo sa press conference ng Black Rider bilang suporta sa kanyang mga kasamahan at sa bagong primetime action drama series ng Kapuso Network na mapapanood simula sa Nobyembre 6, 2023.
Pero pinatunayan ni Matteo na mahirap makalimutan ang kanyang nakasanayang sabihin na “Magandang umaga” bilang co-host ng Unang Hirit, ang early morning program ng GMA-7, dahil kahit hapon ang oras ng presscon ng Black Rider, "At sa lahat ng press friends natin ngayong umaga, maraming-maraming salamat sa inyong lahat. God bless po!" ang bati ng actor-TV host sa lahat ng mga dumalo.
Hindi lamang ang entertainment press ang pinasalamatan ni Matteo dahil nagpasalamat din ito sa mga executive ng GMA Public Affairs dahil sa tiwala at oportunidad na ipinagkaloob sa kanya bilang kasangga ng karakter ni Ruru Madrid sa Black Rider.
Matagal na hindi napanood si Matteo sa Unang Hirit dahil magkasabay ang taping niya para sa Black Rider at shooting para sa Penduko, ang kanyang pelikula na pinagbibidahan na official entry sa 49th Metro Manila Film Festival.
Ikinuwento ni Matteo sa naganap na presscon ng Penduko na isang buwan siyang nagpahinga bilang co-host ng Unang Hirit dahil maaga ang calltime niya para sa shooting ng kanyang pelikula at taping ng Black Rider.
Noong nakaraang linggo, muling napanood si Matteo sa Unang Hirit pero hindi muna regular o araw-araw ang kanyang partisipasyon dahil magiging abala siya sa promo ng Black Rider at Penduko.
Trivia: Si Matteo ang pang-limang aktor na gumanap na Pedro Penduko dahil una itong binigyang-buhay sa pelikula ni Efren Reyes, Sr. noong 1954.

Dalawang Pedro Penduko naman ang pelikulang magkasunod na ginawa ni Ramon Zamora noong 1973 at 1974.


Si Janno Gibbs ang ikatlong Pedro Penduko dahil siya ang bida sa dalawang Pedro Penduko na ipinalabas sa mga sinehan noong December 1994 at May 2000, samantalang si Matt Evans ang gumanap na Penduko sa television series ng ABS-CBN noong 2006 at 2007.



Muntik nang gampanan ni James Reid ang karakter ni Pedro Penduko dahil nagsimula na ang pagsasanay niya para sa pelikulang gagawin noong October 2017.
Noong Hunyo 2019, inanunsyo ng Viva Films na tinalikuran ni James ang proyekto dahil sa kanyang spinal injury pero noong Oktubre 2019, hindi na siya nag-renew ng kontrata sa home studio niya kaya napasakamay ni Matteo ang Penduko.