Umaapaw na kaligayahan at hindi kalungkutan ang naramdaman ng aktres nang makumpirma nitong hindi ang aktor ang ama ng kanyang anak.
May lehitimong dahilan ang aktres para maging masaya dahil tuluyan na siyang naging malaya mula sa nakasasakal na pagmamahal ng aktor na nagbigay sa kanya ng mga emosyunal at mental na pagdurusa.
Nalaman na rin ng aktor na hindi ito ang ama ng bata. Kahit kagimbal-gimbal ang katotohanan, natuwa rin siya dahil nakumpirma ang kanyang matagal nang duda na hindi naging tapat sa kanilang relasyon ang aktres.
Masalimuot ang kuwento ng pagmamahalan ng aktor at ng aktres dahil maikukumpara ito sa isang teleseryeng marami ang mga plot twist at karakter na sangkot.
Noong mahal na mahal pa nila ang isa’t isa, tumindi ang pagiging seloso ng aktor dahil sinasadya ng aktres na pagselosin siya sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan sa ibang mga lalake kaya madalas ang kanilang pag-aaway.
Ngayong nalaman na ng aktor ang totoong kuwento, napagtanto niyang mahirap na karelasyon ang aktres dahil hindi ito tapat at may basehan ang kanyang mga pagseselos.
Para sa aktor, isang kalayaan na maituturing na natuklasan niya ang katotohanan at matibay na ebidensiyang hindi siya ang ama ng bata na kanyang inakalang bunga ng sobrang madamdaming relasyon nila noon ng malikot na aktres.