Ibinalita ni Jeffrey Hidalgo na may proyekto sila ni Geneva Cruz na pagtatambalan sa susunod na taon pero nilinaw niya na hindi ito para sa Vivamax dahil diumano, hindi magagawa na magpaseksi ng kanyang matalik na kaibigan.

“May project kami na dine-develop, abangan ninyo.
“Actually, kaming dalawa pero hindi siya para sa Vivamax. Feeling ko, okay lang ang seksi sa kanya pero hindi niya kaya na medyo mas bold,” ang sabi ni Jeffrey nang makausap siya ng Cabinet Files sa media conference ng Sugar Baby, ang pelikula ng Vivamax na isa siya sa mga bida at may mga mapapangahas na eksena.
Hindi baguhan si Jeffrey sa paghuhubad sa harap ng kamera dahil ginawa na niya ito noong 2004 sa Singles, ang Regal Films movie na pinangunahan nina Aubrey Miles, Ara Mina at Angel Locsin.
Bilang direktor, matitindi ang mga sexy scene sa mga pelikula na ginawa ni Jeffrey para sa Vivamax pero bilang aktor, pumayag siya na maghubad sa mga eksena niya sa Sugar Baby dahil kailangan sa kuwento.
“I really like the role. Kung sa Ssshhh, ang role ko drug lord, sa Sugar Baby ako yung lead sugar daddy na nagbebenta ng sugar babies.
“As I’ve said before, I am rally owning the whole character actor route. I’m relishing in it. Na-e-enjoy ko talaga so the more challenging the character, the better,” ang natatawang pahayag ni Jeffrey na kahit nagpapaseksi sa pelikula, hindi raw siya nakatatanggap ng indecent proposals dahil baka na-i-intimidate sa kanya.
Pinapanood ng mga magulang ni Jeffrey ang mga pelikula nito pero hindi umano tanggap ng kanyang ina ang mga paghuhubad na ginagawa niya.
“Ang nanay ko, pinapagalitan ako pero yung tatay ko, natatawa lang siya, ‘Okey yan!’”
“Ang nanay ko kasi medyo conservative. Sabi ko, ‘Eh Ma, yan ang genre na gusto kong gawin.’
“Ang dami raw bold, na-e-eskandalo raw siya pero growing up, naalaala ko, siya ang kasama ko na manood ng TF films [titillating films], ST films [sex trip films],” ang sabi ni Jeffrey na kasalukuyang nasa lock-in shoot ng bagong proyekto niya bilang direktor, ang Salawahan na pinagbibidahan nina Angeli Khang at Albie Casiño.
“I am doing Salawahan. Written by Raquel Villavicencio, so reunion namin.
“Parang ito yata ang first Viva produced movie ni Albie ever since nag-sign up siya with Viva.
“Actually, ang original title nito was Kaliwaan pero may Kaliwaan na before sa Vivamax, kay Brillante Mendoza,” ang ilan sa mga impormasyonga ibinahagi pa ni Jeffrey tungkol sa bagong directorial project niya para sa Vivamax.