Nabawasan ang mga eksena ng isang aktor sa pelikulang pinagsamahan nila ng nagmamarunong na aktres dahil nakialam ang aktres sa script para siya ang magmukhang bida.
Nagkaroon ng ilusyon ang aktres na sikat na ito nang mapansin ang partisipasyon niya sa isang malaking teleserye. Pero hindi na nasundan ang proyekto ng aktres dahil sa ugali nitong pakikialam sa magiging takbo ng kuwento ng seryeng kinabibilangan niya.
Hindi natupad ang stardom na pinapangarap ng aktres dahil kahit pamilyar sa marami ang pangalan nito, hindi naman nagmarka sa publiko ang kanyang hitsura, na ordinaryong-ordinaryo lalo na kapag kasama siya sa grupo ng mga artistang mas magaling umarte at higit na may karapatang sumikat.
Hindi lamang ang aktor na umiksi ang role sa pelikula ang nakapansin sa prima-donna attitude ng aktres, na wala pang napatutunayan, dahil nasaksihan ng kanilang mga co-star ang kawalan niya ng good manners and right conduct.
Isang beses lamang sinipot ng aktres ang mall show ng cast ng pelikula pero late ang kanyang pagdating. Tumanggi rin siyang bumaba mula sa sasakyan hangga’t hindi tinatawag ang pangalan niya para umakyat sa entablado.
Mabilis na kumalat sa apat na sulok ng entertainment industry ang prima-donna attitude at ang pagpapahirap na ginagawa ng aktres sa mga kapwa artista at production staff.
Matumal ang pagdating sa kanya ng mga proyekto dahil natatakot ang mga prodyuser na kunin ang serbisyo niya.
Kung hindi magbabago ang ugali ng aktres, tiyak na masusundan pa ang mga horror story tungkol sa kanya at wala na talagang magnanais makasama ang mga kagaya niyang pabigat sa mga kasamahan sa trabaho.