Taon ni Dolly de Leon ang 2023 dahil nakilala siya nang husto nang kilalanin ng mga international award giving-body ang kanyang mahusay na pagganap sa Triangle of Sadness.
Nagkasunud-sunod ang mga proyekto ni Dolly.
Sa Enero 2024, lilipad siya sa Germany para sa taping ng Nine Perfect Strangers, ang mystery-drama series na pagbibidahan ng Academy Award winning-actress na si Nicole Kidman.
Read: Dolly de Leon's series with Nicole Kidman to start filming in January 2024
Inaasahan namang magiging taon ni Ruby Ruiz ang 2024.
Simula sa Enero 26, 2024, mapapanood sa Amazon Prime Video ang Expats, ang drama series na pinangungunahan din ni Nicole.
Read: Ruby Ruiz, angat ang acting; napahanga niya maging si Nicole Kidman
Panahon ng coronavirus pandemic nang lumipad si Ruby sa Hong Kong para sa mga eksena niya sa Expats.
Gaya ng kanyang kapwa character actress na si Dolly, napapansin na ng publiko ang husay ni Ruby sa pag-arte kaya hindi na rin siya nawawalan ng mga movie at TV assignment.
Marami ang nagsasabing pagkatapos ng tagumpay ni Dolly sa Triangle of Sadness, si Ruby na ang susunod na Pilipinang mabibigyan ng importansiya sa international scene dahil sa drama series na pinagsamahan nila ni Nicole.
Mapagkumbabang sabi ni Ruby, “Hindi ko po alam kasi hindi ko pa napapanood yung Expats.
“Ipinagdarasal ko na sana maganda, sana mag-hit. Kasi kung maganda yung scenes ng Expats, siyempre mapapansin tayo. Mapapansin ang Filipinos.
“Yung kay Dolly, masaya naman ako sa naging turnout ng kanyang career. Hindi rin biro-biro yung mga na-achieve niya so far.”
Alam naming hindi pa puwedeng magkuwento si Ruby tungkol sa partisipasyon niya sa Expats, pero hindi namin napigilan ang sarili na tanungin siya tungkol sa kanyang karanasan sa pakikipagtrabaho kay Nicole.
Kinumpirma ni Ruby ang kuwentong may litrato sila ni Nicole na magkasama, pero siya ang gumawa ng paraan.
“Katabi ko siya tapos bawal talaga, nasa kontrata ng lahat bawal magpa-picture kay Madam.
“E, tsinika-tsika niya ako. Nagkamali siya. Sabi ko, 'I have one request, Nicole.’
“Sabi niya, ‘ What is it?’ Ganoon, nakatingin siya sa akin.
“'Can I have a picture with you before I go back to the Philippines?' Bawal yon.
"Naka-lapel ako noon so dinig lahat ng producers… dapat dadaan ka muna sa line producer and so on and so forth.
“Siyempre, narinig nilang lahat, e, umoo siya. ‘Yes! Of course!’ sabi niyang ganoon.
“Dahil sa lakas ng loob ko, hindi lang naman ako ang nakapag-picture sa kanya. Tuwang-tuwa siya na pati ang ibang cast, nagpa-picture sa kanya,” natatawang kuwento ni Ruby tungkol sa pagiging pasaway nito dahil nilabag niya ang mga ipinagbabawal na kasunduan.
Pero hanggang ngayon, hindi pa niya ma-post sa kanyang Instagram account ang larawan nila ni Nicole.
“Ang dami ko nang nilabag na bawal [dahil] sa daldal ko. Yung social media ko, mino-monitor nila.
"Bawal lang naman only because nagkaroon ng strike sa SAG [Screen Actors Guild], pero dedma.
“Kapag tinatanong ako, sumasagot ako kung ano yung totoo,” katuwiran ni Ruby.
Read: Ruby Ruiz awestruck with Nicole Kidman's acting prowess: "It's just like breathing."
Tinanong ng Cabinet Files ang nararamdaman ni Ruby dahil sa wakas, napapansin na ng mga tao ang talento niya sa pag-arte.
"Masaya ako at nagpapasalamat," sagot ng aktres.
“Yung recognition ngayon na nakukuha ko, pakiramdam ko, cumulative ng lahat ng paghihirap ko simula noong wala naman talagang nakakakilala sa akin.
“Masaya po ako, grateful… masaya ako na at this lifetime kahit papaano, nakilala, nare-recognize ako ng mga tao yung kakayahan ko.
"And I hope maging inspirasyon ako to a lot of actors kasi matagal-tagal din bago ako nakilala.”
Bukambibig ni Matteo Guidicelli ang pangalan ni Ruby dahil ito ang nilapitan at hiningan niya ng tulong para turuan siya sa pag-arte para sa kanyang karakter sa Penduko, isa sa mga opisyal na kalahok sa 49th Metro Manila Film Festival.
Nagkaroon ng pagkakataon ang Cabinet Files na makausap si Ruby sa media conference ng Para Kang Papa Mo nitong Miyerkules ng tanghali, Nobyembre 29.
Importante sa kuwento ng Para Kang Papa Mo ang karakter na ginampanan ni Ruby. Mismong ang direktor na si Darryl Yap ang humiling na isali siya sa cast ng pelikulang mapapanood sa mga sinehan simula sa Disyembre 13.