Nang muling pumirma si Chad Kinis ng bagong kontrata sa Viva Artists Agency (VAA), hindi niya nakalimutang pasalamatan si Giselle Sanchez dahil ito ang nagrekomenda sa kanya sa talent management agency ng Viva Entertainment.
Kinumpirma ito ni VAA Head Veronique del Rosario-Corpus.
“Happy kami na Chad has signed again with us. Kapamilya namin siya so alam ko naman he’s been very hardworking and he has proven his worth.
“Gusto ko lang pasalamatan si Giselle Sanchez, siya talaga ang nag-recommend kay Chad sa isang show namin before, Pwera Okray, sa Viva TV.
“Sabi ko, sige go. Siyempre, pinagbigyan ko na si Giselle without knowing na we have a goldmine, kaya thank you kay Giselle who paved the way,” nakangiting pahayag ni Veronique sa naganap na contract signing ni Chad.
“I was working as a jester off cam tapos ni-recommend ako ni Miss Giselle sa Viva,” karagdagang impormasyon ni Chad sa mga sinabi ni Veronique.
Read: Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, pumayag magsama sa isang okasyon ng ABS-CBN kahit break na

Bukod sa kanyang rekomendasyon sa VAA na papirmahin ng kontrata si Chad, pinarentahan ni Giselle sa kapwa komedyante ang condominium unit niya sa N. Domingo Street, Quezon City, na pagmamay-ari na ngayon ng aktor at direktor na nag-umpisa ang showbiz career bilang stand-up comedian sa mga comedy bar.
Kuwento ni Chad, “I think it was in 2015 when I moved in sa unit ni Giselle. Ibinigay niya sa akin ng murang upa parang help na rin.
“Sabi ko sa kanya, huwag mo nang ibenta. Sooner or later mabibili ko ito.
"Parang it’s a fulfillment of a promise sa kanya. Hindi niya talaga ibinenta at nagtiwala siyang mabibili ko soon.”
Masaya si Chad dahil hindi ibinenta ni Giselle sa iba ang condominium unit.
Higit sa lahat, natupad noong panahon ng pandemya (2021) ang pangako na siya ang bibili sa ari-ariang pinaniniwalaan niyang may hatid na suwerte sa kanya.
Read: Ricci Rivero's "time is the ultimate truth teller" post resurfaces following KathNiel split
HUMBLE BEGINNINGS
Hindi rin nakalilimutan ni Chad na banggitin at pasalamatan ang comedienne na si Tart Carlos at ang The Library owner na si Andrew de Real, ang dalawa sa mga tumulong sa kanya noong matupad ang pangarap niyang maging stand-up comedian, matapos makatikim ng mga rejection.
“Nagtrabaho ako sa comedy bar ng maraming buwan na walang sahod. I just wanna learn. Libre pagkain lang.
“I was given a Monday night slot. Hindi naman siya slowest night kasi magagaling ang mga kasama ko, but it was the best night of the week for me to learn kasi I have the veterans na nandoon sa The Library.
“Every Monday, may set ako tapos binibigyan nila ako ng pamasahe para makauwi ako sa Lipa, Batangas. Magtitinda uli ako ng balot, isaw, kropeck.
"Tapos balik uli ako sa The Library ng Monday,” pagbabalik-tanaw ni Chad tungkol sa mga pinagdaanan niya noon bago siya nakarating sa kanyang kinaroroonan sa kasalukuyan.
Read: Liza Soberano inaming break na sila ni Enrique Gil sa isang unreleased interview
Sa kabila ng maraming pagsubok at hirap na naranasan noong kabataan niya, masaya ang pagsasalarawan ni Chad sa kanyang buhay sa Lipa City, Batangas.
“Masaya naman po ang buhay ko sa Lipa. From humble beginnings, actually.
“Roller-coaster po ang family ko. Noong ipinanganak ako, well to do family kami.
"Pero noong lumalaki ako, ako nga ang minalas sa magkakapatid. Kasi noong ako yung lumalaki, saka kami nawalan ng pera.
“Noong lumalaki ako, nag-separate yung mommy at daddy ko. I was in Grade 2.
"Dun na ako nag-umpisang magtinda ng PX goods, kinukuha ko sa cabinet ng tita ko.
“Kapag wala kaming PX goods, walis tambo ang ibinebenta ko. Kukuha ako sa palengke tapos ilalako ko sa lahat ng mga kamag-anak ko.
“Naiinis sila kasi minsan, pagdating ko sa isang kamag-anak na bebentahan ko, kahapon pala nabentahan ko na sila. Binebentahan ko uli sila,” natatawang kuwento ni Chad tungkol sa isang kabanata ng kanyang buhay.
SHOOTING STAR
Sariwang-sariwa pa sa isip ni Chad nang makakita siya ng shooting star habang nasa bahay na nirerentahan nila sa Lipa.
“The dream that I had before, ito ang naalaala ko. I was renting a PHP1,500 na bahay, hati-hati kami sa renta, wala kaming sofa.
“Nakahiga lang ako sa kutson sa may labas ng pinto, I saw a shooting star. Sabi ko, sana maging stand-up comedian ako dahil gusto kong magkaroon ng trabaho.
“That’s the only thing I want in life, and then it happened. Nung maging stand-up comedian ako, sobrang saya ko na and I was contented with that.
“Everything that’s happening right now is a bonus from God. Hindi ko siya hinangad pero I worked for it.
"Dumating kasi so what will you do kapag dumating ang isang opportunity? E, di you work for it,” sabi ni Chad.
Komportable na ang pamumuhay ni Chad ngayon dahil sa kanyang sipag na dahilan para makapagpundar siya ng lupa sa Bulacan, townhouse at condominium unit.
Trivia: Noong estudyante pa si Chad sa Lipa City, naging miyembro siya ng Lipa Integrated Performing Arts.
Isa itong karanasang hindi rin niya malilimutan dahil sa dance number nila noon ng Star for All Seasons at Lipa City Mayor Vilma Santos-Recto sa saliw ng kantang "Sweet Sixteen."
“Naging dancer ako ni Ate Vi noon. Nai-lifting ko pa po si Ate Vi.
“First term niya as a mayor. Nanginginig talaga ako noon,” lahad ni Chad.
Pangarap daw ni Chad na muling makita si Vilma.
“Hindi pa po kami nagkikita. Hindi ko po alam kung tanda niya pa ako. Hindi ko rin alam kung kilala ako ni Ate Vi,” sabi niya.