Makalipas ang limang buwan, muling nagamit nina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, at ng legit Dabarkads ang salitang "Bulaga" nang awitin nila ang original theme song ng kanilang noontime program ngayong Miyerkules ng tanghali, Disyembre 6, 2023.
Malaya nang naawit ng mga pioneer host ng Eat Bulaga! ang theme song na isinulat ni Vic Sotto matapos kanselahin ng Intellectual Property Office (IPO) ang trademark registration ng TAPE Inc. sa pangalang Eat Bulaga! at EB.
Read: TVJ wins Eat Bulaga! trademark case; IPO cancels Eat Bulaga!/EB trademark of TAPE
Sinabi ng IPOPHIL na nagpaliwanag at naglabas ng testimonya ang mga petitioner na sina Tito, Vic, at Joey tungkol sa pagbuo nila sa Eat Bulaga!, isang usaping hindi napatunayan ng TAPE Inc.
“The petitioners proved that it is the originator and owner of the contested Eat Bulaga mark. Petitioner’s explanation or story on how initially the idea of the Eat Bulaga mark came about, did seem believable and credible,” bahagi ng paliwanag ng IPO tungkol sa desisyon nito.
Ayon sa legal counsel ng TVJ na si Atty. Enrique "Buko" dela Cruz, anumang oras ay puwede nang gamitin nina Tito, Vic & Joey ang pamagat na Eat Bulaga! dahil sa inilabas na pasya ng IPOPHIL.
Saad niya, "Puwede nang gamitin kahit noon pa, even before the decision came out dahil yung rehistro nga nila, e, hindi para sa entertainment.
"Ang rehistro nila para sa merchandise, gaya ng sinabi ni Tito Sen, pero sila ang pumili.
“Ang TVJ ang nagparaya at sinabi na, ‘Ayaw namin ng gulo tutal may proseso. Sundin natin yung proseso.’ Nirespeto nila.
“Ngayong lumabas na sinasabi mismo ng gobyerno, na ang talagang ang may-ari, ang may karapatan sa title na Eat Bulaga! ay ang TVJ ay dapat sila naman ang rumespeto para isa lang ang gagamit.
“Kung ang tanong kailan puwedeng gamitin, anytime, puwede na nilang gamitin.”
Nangyari na ito ngayong tanghali dahil dinagdag na ng mga host ng E.A.T. ang salitang "Bulaga" nang kantahin nila ang theme song kanilang programa.
Para kay Tito, early Christmas gift sa kanila ang desisyon ng IPO.
Aniya, “Definitely, it’s a Christmas gift. We’re so happy about it, being officially recognized by the government, not just by the people, by law, ng batas, so talagang early Christmas gift.”