Ibinalita ni Willie Revillame sa PEP.ph ang Pamaskong Regalo niya para sa mga Pilipino sa buong mundo.
Ito ang dahilan ng pagkakaroon ng limited social media engagement ng Wowowin.
Kinumpirma ni Willie na simula sa December 18 hanggang December 22, 2023, live na mapapanood ang Wowowin sa official Facebook page at YouTube channel ang kanyang popular game at public service program na pansamantalang nagpapahinga.
“Hindi ko sila matiis,” pahayag ni Willie sa Cabinet Files tungkol sa desisyon niyang mamahagi ng tulong at maghatid ng saya sa mga Pilipino bilang paggunita sa araw ng pagsilang ni Hesus Kristo sa Disyembre 25, 2023
“Wala akong co-host sa limited engagement ng Wowowin dahil gusto kong mag-concentrate sa mga tao.
“Starting December 18 at 5 p.m. to 6:30 p.m., puwede silang sumali at maglaro para manalo.
"May bagong games ako na ipakikilala at para mapanalunan ng mga sasali ang jackpot prize, kailangan nilang makuha ang salitang ‘Win.’"
Read: Willie Revillame, may "exploratory talks" sa IBC13 at PTV-4

Bukod sa limited engagement ng Wowowin sa Facebook page nitong may 16 million followers at YouTube channel na may 7.76 million subscribers, may importanteng anunsiyong gagawin si Willie para sa kanyang mga tagasuporta.
“Abangan nila ang announcement ko tungkol sa pagbabalik ng Wowowin,” sabi ni Willie.
Kasunod nito ang babalang fake ang mga napapanood sa Facebook na live show ng Wowowin nitong mga nakaraang araw.
“Fake Facebook live show yon. Maglalabas ako ng advisory para malaman nila na hindi totoo yon.
“Sa December 18 pa mapapanood ang Wowowin sa Facebook at YouTube, pero hanggang sa December 22 lang.
“Ipapakilala ko rin sa December 18 ang bagong choreographer at dancers ng Wowowin,” karagdagang impormasyong ibinahagi ni Willie tungkol sa limang araw na pagbabalik ng Wowowin na matutunghayan sa social media pages ng kanyang programa.