Ang anak ni Edu Manzano na si Enzo Manzano ang presidente ng Filipino American Democratic Club of New York (FADCNY).
Siya ang nanguna sa inaugural holiday party na idinaos noong Disyembre 1, 2023 at dinaluhan ng mga opisyal at miyembro ng iba’t ibang samahan ng Filipino community sa Amerika.
Read: Anak ni Edu Manzano na si Enzo, nakatanggap ng scholarship sa New York University Wagner
Bilang presidente ng FADCNY, sinisikap ni Enzo na mapalakas ang boses ng mga Filipino-American at isinusulong niya ang pantay na representasyon sa mga usaping pulitika sa New York.
Noong nakaraang taon, ipinagdiwang ng FADCNY ang pagkakahalal kay Steven Raga bilang assembly member sa kasaysayan ng New York State.
Si Raga ang kauna-unahang Pilipino na nahalal para sa nabanggit na posisyon.
Tuwang-tuwa si Enzo sa suportang ibinigay ni Raga at ng mga Filipino community sa organisasyon na kanyang pinamumunuan.
“What a way to celebrate the Filipino American Democratic Club of New York’s inaugural Holiday Party! Thanks to everyone who came out and supported this event.
“Shout out to the FilAmDems team and volunteers, sponsors, host committee, and attendees. We also thank our elected officials who came out to join us and to recognize the contributions of our community,” pahayag ni Enzo.
Seryoso si Enzo sa kanyang misyong ipagpatuloy ang paggawa ng mga hakbang para maitaguyod ang pakikipag-ugnayan at representasyon ng Filipino-American community sa pulitika sa New York.
Napansin si Enzo ng buong mundo dahil sa kilos-protestang ginawa niya na mag-isa sa harap ng United Nations Headquarters sa New York noong Hunyo 18, 2020.
Nag-viral ang solo protest ni Enzo na nakisimpatiya sa mga problemang kinakaharap ng ating mga kababayan noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Read: Anak ni Edu Manzano na si Enzo nag-solo protest sa New York
“Sucks to hear that my fellow Filipinos can’t protest back home,” pahayag noon ni Enzo.
Hawak niya ang placards na may mga nakasulat na: “Duterte & The Philippine Gov’t Are Taking Away My People’s Basic Rights!"
“Filipino’s Can’t Protest So I Hope The World Can See Us Instead!"
“To Filipinos Overseas: We May Have Left Our Country But Let’s Not Abandon Our People.”

Tatlong oras tumayo si Enzo sa harap ng United Nations Headquarters sa New York para sa kanyang kilos-protesta.
Noon pa man, nakitaan na si Enzo ng potensiyal na pagpasok sa mundo ng public service at pulitika na unti-unti nang nagkakaroon ng katuparan nang maging presidente siya ng FADCNY.
Sa kasalukuyan, nag-aaral si Enzo bilang scholar sa New York University Wagner School of Public Service.
Read: Edu Manzano, proud sa paninindigan ng New York-based anak na si Enzo